SA pagbubukas ng 20th Congress nitong Hulyo 2, naghain ng 10 priority bills si Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa kung saan kabilang sa kaniyang inihain ay ang pag-amyenda sa Republic Act 7941, o ang Party-List System Act.
Layunin ng panukala na palawakin ang basehan sa pagtanggi o pagkansela ng rehistro ng mga party-list group na may kaugnayan sa mga rebeldeng grupo o mga organisasyong idineklara bilang terorista.
Sa kaniyang paliwanag, sinabi ni Dela Rosa na bagama’t ang party-list system ay itinatag ng 1987 Constitution para katawanin ang mga nasa laylayan ng lipunan, ito ay pinasok umano ng mga grupong sumasalungat sa layunin ng sistema.
“Clearly, intent is not everything. Some organizations have used the party–list mechanism not to represent the marginalized, but to advance political or ideological agendas,” wika ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.
Inihayag din ng senador ang umano’y pagpasok sa Kongreso ng mga grupong may ugnayan sa mga rebelde at teroristang organisasyon, na aniya’y banta sa pambansang seguridad at tiwala ng publiko.
Ang panukala ay naglalayon ding diskuwalipikahin ang mga grupong gumagamit o nagtutulak ng karahasan at ilegal na gawain, lalo na sa hanay ng mga kabataan.
Kabilang din sa aamyendahan ay ang pagbabawal sa anumang kaugnayan o suporta sa mga grupong idineklara bilang terorista sa ilalim ng Anti-Terrorism Act of 2020 o Republic Aact 11479.
Ayon kay Dela Rosa, kailangang pangalagaan ang demokrasya hindi lang sa pagbibigay daan sa opinyon, kundi pati sa pagpapanatili ng kaayusan at pagtitiyak na ligtas ang mga lehitimong grupo na pumapasok sa politika.
“The party–list system was never meant to be a Trojan Horse for anti–government or anti–democratic activities,” dagdag ni Sen. Dela Rosa.
Nilinaw rin ng senador na hindi nito layong patahimikin ang tunay na kinatawan ng sektor, bagkus, ang layunin ay ibalik ang party-list system sa orihinal nitong layunin—ang pag-angat sa kapakanan ng mga nasa laylayan at ang pagkakaroon ng inklusibong lehislatibong proseso.
Hinimok ni Dela Rosa ang agarang pagpasa ng panukala para mapanatili ang integridad ng mga demokratikong institusyon ng bansa.
Matatandaang sa ilalim ng administrasyong Duterte, ilang dating rebelde ang nagbunyag ng umano’y koneksyon ng Makabayan bloc sa Communist Party of the Philippines (CPP).
May mga mass organization din na kaalyado ng grupo ang sangkot sa pagre-recruit ng kabataan tungo sa New People’s Army (NPA), ang armadong sangay ng CPP.
Ang CPP-NPA ay idineklara bilang teroristang grupo ng Pilipinas at iba’t ibang bansa tulad ng Estados Unidos, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, at New Zealand.
Samantala, ang National Democratic Front (NDF) naman—ang political arm ng CPP, ay opisyal ding idineklarang terorista ng Anti-Terrorism Council noong Hunyo 23, taong 2021.