Sen. Bato, naniniwalang may kumukumpas kay Torre sa Davao City

Sen. Bato, naniniwalang may kumukumpas kay Torre sa Davao City

POSIBLENG may kumukumpas ang nakikita ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa mga galaw ng hepe ng Police Regional Office (PRO)-Davao na si Nicolas Torre III. Ito’y kasunod ng pahayag ni Torre na mayroon umanong manipulasyon ng police blotter record sa Davao City kaya aniya mababa ang tala ng krimen sa lungsod. Ito rin ani Torre ang dahilan kung bakit ipinag-utos niya ang relief sa 19 police stations.

Sa isang panayam sa Banateros sa SMNI, sinabi ni Sen. Bato na hindi basta magtatapang-tapangan si Torre at gawin ang mga pinaggagagawa niya sa Davao City kung walang nagbibigay sa kaniya ng mga utos.

“Kung ikaw biglang salta ka diyan sa Davao, hindi ka man lang na-assign diyan ever since, biglang dating ka diyan at ganyan agad pinagsasabi mo despite the fact na alam mo ang record ng Davao City Police Office kung ano ang kaniyang prestige na pinanghahawakan ang kaniyang Hall of Famer ‘yang Davao City Police Office. Alam mo ‘yan,” ayon kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Dagdag pa ng senador, itanggi man ito ni Torre o hindi, hindi siya mauuto na walang kumukumpas sa bagong hepe ng Davao Region Police lalo na’t alam ni Torre ang katotohanan sa magandang record ng Davao City.

“Hindi ko naniniwala na hindi niya alam ‘yan. Despite the fact na ganoon. Ganun pa rin ‘yung actuations niya, ganoon ang treatment niya sa unit, ibig sabihin, may mga patagong instruction sa kaniya na dapat ganito ang gawin mo. I-pressure mo sila. Continue the operations para mayanig ‘yung mga tao. I’m sure may mga instructions na ganoon. I-deny man nila o hindi, hindi nila ako pwedeng utuin,” giit pa ng senador.

Matatandaang una nang sinabi ni Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte na isang ‘professional liar’ si Torre dahil na rin sa mga maniobra nito sa lungsod dahilan upang ma-relieve ang 19 police station commanders at madistorbo ang kapayapaan sa Davao City.

SWAT sa checkpoints sa Davao City, hindi tama; Porma ng mga pulis, pang-giyera—Sen. Bato

Samantala, pinuna rin ni Bato ang paglalagay ng Philippine National Police Special Weapons and Tactics (PNP-SWAT) sa mga checkpoint sa Davao City, partikular sa harap ng mga religious compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Mali aniya ito at mayroon itong administratibong pananagutan kung gugustuhin ng liderato sa PNP.

“Kung SWAT ganyan dapat nandoon ka tactical operation hindi ‘yung ganyan ginagawa mo. Nagka-conduct ka ng checkpoint na ganyan. Yung mga ganyan porma, pang-giyera na ‘yan tactical uniform yan,” ani Dela Rosa.

“Hindi dapat ganyan ang porma kapag nagka-conduct ka ng checkpoints. You wear your proper uniform. Hindi dapat ganoon. Dapat may administratibong pananagutan sila kung gugustuhin ng kanilang mga higher up,” dagdag pa nito.

Matatandaang matapos ang sabay-sabay na paglusob ng PNP-SAF at Criminal Investigation and Detective Group (CIDG) sa mga religious compound ng KOJC upang magsilbi lang ng arrest warrant laban kay Pastor Apollo C. Quiboloy at lima pang indibidwal ay hindi na tumigil ang mga misyonaryo ng simbahan na manawagan sa gobyerno dahil sa hindi rin tumitigil sa panggigipit ng kapulisan sa kanila.

Hindi pagpapakita ng nameplate at mukha ng mga pulis sa Davao, delikado; Posibleng gayahin ng mga kriminal—Sen. Bato

Sa pagdinig na ginawa nitong Lunes sa Senado, muling isinalaysay ng KOJC ang mga karumal-dumal na ginawa ng PNP-SAF sa kanilang religious compound at nanawagan din na tigilan na ang pagsisinungaling sa PNP.

Batay sa mga pahayag ng KOJC, araw at gabi na silang nagbabantay at nananalangin sa kanilang mga compound dahil hindi rin tumitigil ang mga pulis na nakapaligid sa kanilang mga compound.

Ang mga nasabing pulis ay nagsusuot ng naka-full battle gear, walang nameplate at nakatakip pa ang mukha.

Pinuna naman ito ni Bato at sinabing delikado ang ganitong pamamalakad dahil maari itong pamarisan ng mga kriminal.

“Mayroon akong naimbestigahan na ‘yung vice mayor dito sa Aparri, Cagayan, bumiyahe, minonitor ang kaniyang biyahe tapos pagdating dito banda sa Nueva Vizcaya, chineckpoint sila ng naka-uniporme. Naka uniporme ng pulis tapos niratrat, pinatay ‘yung mayor at ‘yung vice mayor at ‘yung mga kasamahan nila, anim sila sa loob ng van, ubos. Patay. Naka-uniporme ‘yun pero hindi ‘yung mga pulis. Mga kriminal ‘yun,” ani Dela Rosa.

“Kung hayaan na ganoon palagi ang gagawin ng mga pulis, kayang-kayang kokopyahin ng mga kriminal,” dagdag pa nito.

Samantala, dagdag ni Bato, mali rin ang mga hakbang ng PNP sa sinasabi nitong pagpapatupad ng batas.

“Lilimang tao lang naman ang hinahanap nila na may warrant of arrest. Bakit pa kailangan pa nilang kalabanin ‘yung buong community ng Davao dahil sa hinahanap nila na limang tao na may warrant of arrest? I think that’s a very wrong approach,” giit pa nito.

Kaya naman ikinalulungkot ng senador na ang matagal na tiwala ng taongbayan sa mga pulis sa Davao ay tila nawawala na dahil lang sa palpak na liderato ngayon ng PNP.

“I am brokenhearted pagdating sa relasyon ng pulis at ng komunidad ng Davao City. Sayang ‘yung pinaghirapan natin noon na i-establish ‘yung trust, ‘yung love ng tao sa kanilang pulis at ng pulis sa kanilang community. Ako’y nasasayangan,” saad pa nito.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble