Sen. Bato sa mga matitinding sinabi ni FPRRD: Pananakot lamang sa mga kriminal

Sen. Bato sa mga matitinding sinabi ni FPRRD: Pananakot lamang sa mga kriminal

NILINAW ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na ‘yung mga tila ‘extremes’ na nabanggit ni FPRRD sa Senado ay isang epektibong istilo nito para takutin ang mga kriminal.

Kasunod ng pagdinig ng Senado kaugnay sa War on Drugs ng Duterte administration ay marami ang nalilito kung meron nga ba o walang Duterte Death Squad.

‘Di umano kasi sila sigurado kung nagbibiro ba o hindi si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kaniyang mga mabibigat na sinabi sa pagdinig.

Sa isang press conference ay mismong si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang nagbigay ng linaw sa nasabing katanungan.

Si Dela Rosa ang PNP chief ni Duterte nang ilunsad ang kampanya kontra droga noon na mas kilala bilang Oplan Tokhang.

Bilang malapit at matagal nang nakasama ng dating Pangulong Duterte ay sinabi ni Sen. Bato na totoo man o hindi ang mga sinabi nito patungkol sa Death Squad ay bahagi lamang ito ng pananakot sa mga kriminal.

“It’s up to you to decipher kung siya ay nagbibiro ‘yun sinasabi nya. Basta lahat ng sinasabi niya na puro extremes, puro superlatives, puro hyperbole lahat ‘yan, puro panakot sa kriminal. Pero effective sya sa lahat ng kaniyang psywar tactics laban sa mga kriminal. So nasa inyo na ‘yan,” saad ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

Sa kabila nito ay binigyang-diin ni Sen. Bato na kung totoo man ang umano’y extra judicial killings at ang iniuugnay rito na Davao Death Squad ay handa naman itong harapin ni Duterte.

“Sabi nga nya ‘di naman sya umiiwas sa responsibilidad. Kasuhan ninyo sya kung guisto nyu syang kasuhan. Kung meron kayong evidences you can file case against him,” giit ni Dela Rosa.

Una na rin kasing sinabi ni Duterte na aakuin niya ang responsibilidad sa kung anuman ang sakaling naging pagkakamali ng mga pulis habang sinusunod ang kaniyang utos sa War on Drugs.

“For all of its success and shortcomings I and I alone take full legal responsibility sa lahat ng mga nagawa ng mga police pursuant to my order. Ako ang managot at ako ang makulong ‘wag ‘yung police na sumunod sa order ko. Kawawa naman, nagtatrabaho lang,” pahayag ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Pero nilinaw rin ni Sen. Bato na sa panahon ng kaniyang paglilingkod bilang pulis, ni minsan ay ‘di siya inutusan ni Duterte na pumatay ng tao.

“As I have said, puro panakot nya ‘yan. Kung ako sabihan nya mismo na palabanin nya ‘yang kriminal para patayin mo, sinabi na nga nya na wala siyang utos na patayin mo ‘yung kriminal. Sinabi niya wala eh.”

“Panakot nya lang ‘yan sa kriminal, pero kung sinabi niya sa akin, wala pa akong narinig na sinabi nya sa akin personally na palabanin mo para mapatay,” dagdag ni Dela Rosa.

Kaugnay rito ay hindi naman ikinababahala ni Sen. Bato kung binabantayan ng International Criminal Court o di kaya ay gamitin ang mga sinabi ni Duterte sa pagdinig laban sa kanila.

Malinaw kasi aniya na hanggang ngayon ay walang jurisdiction ang ICC sa Pilipinas.

Si Duterte at Dela Rosa ay parehong nahaharap ng reklamo sa ICC kaugnay sa kasong extra judicial killings sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble