ARAW ng Martes ay tinungo ng SMNI ang Masungi Georeserve sa Baras, Rizal, at dito nakita na tunay ngang kamangha-mangha ang ganda nito.
Sa higit isang oras lamang na biyahe mula sa mausok at puro semento na Metro Manila, ay siguradong luluwag ang iyong paghinga sa Masungi na isang environment protected area.
Matatagpuan sa lugar ang daang-libong taong natural landscape na hinubog ng kalikasan tulad ng masukal na rainforest at limestone rock formations.
Pero sa kabila ng ganda nito na tirahan na rin ng iba’t iba at kakaibang hayop ay nakalulungkot lamang isipin na ito ngayon ay nanganganib dahil sa kasakiman ng tao.
Si Senator Nancy Binay, bumisita rin sa Masungi upang inspeksyunin ang lugar.
Pinalagan ng senador ang plano ng Bureau of Corrections (BuCor) na magtayo ng bagong headquarters sa Masungi Georeserve sa probinsiya ng Rizal.
Binisita ni Binay ang Lot 10 ng Masungi, ang lugar na pagmamay-ari ng BuCor na posibleng pagtayuan ng mga struktura.
Ang lahat ng ito ay mawawala kung magtutuloy ang konstruksiyon.
“After ko makita ito (Masungi), I’m totally against the plan. Sabi ko nga, after ng trip na ‘to … ico-convince ko ang aking seat mates (fellow senators) na mag-hiking rin dito para makita nila na may ganitong lugar na kailangang protektahan not just for us but also for the next generation,” ani Sen. Nancy Binay.
Matatandaan sa pagdinig sa Senado ay iginiit ng BuCor ang pagmamay-ari nito sa 270 hectares na bahagi ng Masungi batay sa Presidential Proclamation 1157 ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Pero para kay Binay, tila imposible na pagtayuan ng kung anumang stuktura ang Masungi dahil sa sobrang tirik ng lugar.
“Una ko pa lang nakita, paano magtatayo ang BuCor dito? Puro bangin, alangan putulin nila bundok para tayuan ng kulungan,” dagdag ni Binay.
“Space-wise, ‘yung lupa dito sa Masungi parang hindi ideal to construct, whether it’s a Bilibid o anong facility, parang hindi angkop sa terrain,” aniya.
Umaasa naman ang senadora na tuluyan nang aabandonahin ng BuCor at sa mga susunod pa nitong administrasyon ang planong pagtatayo ng mga struktura sa Masungi.
Sa ngayon ay pinag-aaralan pa ng kaniyang komite sa Senado kung papaano sosulusyunan ang agawan ng lupa sa nasabing protected area dahil kahit papaano ay bahagi pa rin ng gobyerno ng BuCor.
Pero bukod kasi sa BuCor ay mayroon ring mga pribadong kompanya at indibidwal na may interes sa Masungi na mayaman sa mineral.
Ang mga nangangalaga sa Masungi ay may paalala naman sa kanila.
“Ang Masungi Georeserve at yung northern parts at yung mga reforestation sites nito… sa mga critical areas,” ayon kay Ann Dumaliang, Trustee, Masungi Georeserve.