Sen. Binay, naghain ng kandidatura sa pagka-alkalde sa Makati katuwang si Ex-Cong. Del Rosario bilang vice mayor

Sen. Binay, naghain ng kandidatura sa pagka-alkalde sa Makati katuwang si Ex-Cong. Del Rosario bilang vice mayor

BUO na ang desisyon ni Sen. Nancy Binay na tumakbo bilang alkalde ng Makati City matapos siyang naghain ng kandidatura sa unang araw ng filing ng certificate of candidacy.

Kasama ng senadora sa paghain ang kaniyang running mate at tatakbo sa pagka-bise alkalde na si dating Congressman Monsour del Rosario.

Isa sa mga plataporma ni Sen. Nancy ay ang pagpapatuloy aniya ng mga nasimulan ng kanilang ama na si dating Bise Presidente Jejomar Binay sa Makati.

“Sikat ang Makati sa pagpo-provide ng basic services sa mga constituents niya. So ‘yun ‘yung kumbaga ie-enhance natin at pagagandahin,” pahayag ni Senator Nancy Binay, tatakbo sa pagka-mayor sa Makati.

Para naman kay Del Rosario ‘very good’ ang tandem nila ng senadora.

“I’ve never seen a person I’ve worked with who has the sincerity and humility to really serve people that really deserves to be served. I worked with so many people already. I’ve come play with so many people but being with Senator Nancy keeps my feet on the ground,” saad ni Monsour del Rosario, tatakbo sa pagka-vice mayor sa Makati.

Prayoridad ng dating Olympian ang mga programang sports at pangkalusugan sakaling palarin sa susunod na halalan.

Senator Nancy, naging emosyonal sa pakiusap ng kaniyang kapatid na si Makati Mayor Abby

Naging emosyonal naman si Senator Binay nang tanungin patungkol sa hiling ng kaniyang kapatid na si Makati Mayor Abby na huwag na siyang tumakbo sa pagka-alkalde sa nasabing lungsod.

Inaasahan kasi na makakalaban ng senadora sa eleksiyon ang asawa ng mayora na si Cong. Luis Campos.

“Well at the end of the day moot and academic na ‘yung apela ng aking kapatid dahil nag-file na. This is it. I have filed and running for mayor. But for me at the end of the day, ate niya pa rin ako di ba. Magkapatid pa rin kaming dalawa.”

“Naiiyak na naman ako. Wala eh. Walang puwang para makapag-usap kami. Malungkot di ba,” dagdag ni Sen. Nancy.

Pagbibigay-diin ng senadora na hindi sila magkaaway ni Mayor Abby.

“Pamilya pa rin kami and mas mangingibaw ‘yung pagiging pamilya namin. Sa akin hindi ko kalaban ang kapatid ko. Walang Abby Binay sa balota. Hindi kami magkaaway,” aniya pa.

Hindi isinasantabi ni Sen. Nancy ang posibilidad na kausapin ni Mayor Abby ang kaniyang asawa na huwag nang ituloy ang kaniyang kandidatura sa pagka-alkalde.

Dating Makati Mayor Junjun Binay kay Mayor Abby: “Suportahan niya ang Ate Nancy”

Para naman kay dating Mayor Junjun Binay, dapat suportahan na lang ni Mayor Abby ang kanilang ate.

“The request now goes to Ate Abs since she’s running for Senate and she’s receiving all our support for her bid to get that Senate slot. Sana suportahan naman niya si Ate Nancy naman niya. Di ba?” saad ni Junjun Binay, Dating Makati Mayor.

Ayon pa kay Junjun na nakaraang taon pa nang sinusubukan ni Senator Nancy na kausapin ang kampo ni Mayor Abby para maiwasan aniya ang ganitong sitwasyon na magkakalaban-laban silang magkapamilya sa eleksiyon.

Nagkaroon aniya ng pagpupulong, pero hindi na ito nasundan.

Makati Rep. Luis Campos, hinimok na huwag nang tumakbo at galangin si dating VP Binay

May pakiusap naman si Junjun sa kaniyang brother-in-law.

“First of all Luis is my brother-in-law diba? Hindi naman siya Binay. Hindi naman din siya mananalo ng posisyon niya kung hindi din dahil nakapangasawa siya ng Binay. So sana respetuhin niya ang desisyon ng father namin na si Vice President Binay na ang desisyon ng father ko na siya talagang, kumbaga, nagsimula ng progreso dito sa Makati na si Ate Nancy ang napili niya na lumaban dito sa Makati,” dagdag ni Dating Makati Mayor Junjun.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble