Sen. Bong Go hindi sang-ayon sa “face to face classes”

Sen. Bong Go hindi sang-ayon sa “face to face classes”

NANINIWALA si Senator Christopher Bong Go, chair of the Senate Committee on Health na mas importante pa rin ang kaligtasan ng mga guro at mag-aaral na dapat mas bigyan ng konsiderasyon sa usapin ng muling pagbubukas ng face to face classes sa buwan ng Agosto.

“‘Di pa naman sigurado ‘yan opening of classes dahil for approval pa po ‘yan ng IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases),” pahayag ni Go.

Paliwanag ni Go, batid niya ang paghihirap ng mga estudyante partikular na ang mga maralita na nagsisikap makapag-aral sa ilalim ng blended learning at mas madali sa mga ito kung magkaroon na ng face to face classes subalit ang kaligtasan ng bawat isang guro at mag-aaral ang nananatiling pangunahing interes.

“Ako naman po, ‘wag po tayo masyadong magmadali. Bigyan natin ng konting espasyo ang ating mga guro dahil mahirap po sa panahong ito ‘pag meron pong nagpositibo na isang guro o estudyante ay mahihirapan na naman tayo sa contact tracing dahil naka-focus ngayon sa pagbabakuna,” ani Go.

Ayon kay Go, hindi siya sang-ayon sa face to face classes hangga’t di nababakunahan ang karamihan sa populasyon lalo na at may bagong strain ng virus kaya’t mas dapat aniya na unahin ang kalusugan ng bawat bata at bawat Pilipino bago ang kung ano pa man.

“Ako naman po, ‘di rin ako sasang-ayon sa face-to-face classes hanggat ‘di nababakunahan ang majority ng population. Alam naman natin na may new strain ng virus… So, unahin natin ang kalusugan ng bawat bata, bawat Pilipino before anything else,” aniya pa.

Gayunpaman, sang-ayon si Go, na hindi maaring matigil ang edukasyon ng mga mag-aaral kaya’t hinihimok niya ang Department of Education (DepEd) at iba pang kinauukulang ahensya na mas paigtingin pa ang pagsisikap na mapaganda at maisaayos ang sistema ng blended learning habang ipinagbabawal pa ang pagkakaroon ng face to face classes sa ngayon.

“Kawawa naman po mga bata, napi-pressure po ‘yung bata, malaking epekto po iyon sa kanila. Ang importante po, walang masayang na taon. Ang importante po matuto sila,” saad ng senador.

Pakiusap din ni Go na bigyang espasyo ang mga guro at hayaang makapagpahinga dahil hirap din ang mga ito sa pag-a-adjust sa new learning system para maiwasan ang hawaan bunsod ng COVID-19 pandemic.

(BASAHIN: Senator Bong Go, suportado ang pagtatayo ng sariling virology center sa bansa)

 SMNI NEWS