Sen. Bong Go, pinuri ang LTFRB sa tuluyang pagpapaliban sa pag-phase out ng traditional jeepney

Sen. Bong Go, pinuri ang LTFRB sa tuluyang pagpapaliban sa pag-phase out ng traditional jeepney

PINURI ni Senator Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ang desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos ipagpaliban hanggang sa katapusan ng Disyembre 2023 ang nakatakdang pag-phase out ng traditional jeepney sa Hunyo 30.

Alinsunod ito sa payo ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista at Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na i-extend ang deadline sa konsolidasyon ng prangkisa ng mga jeepney.

Matatandaang umapela si Sen. Go sa LTFRB sa pamamagitan ng inihaing Senate Resolution No. 507 para tulungan ang mga tsuper na makasabay sa bagong polisiya sa pamamagitan ng pagpapaantala sa jeepney phase out ng deadline.

Ang nasabing resolusyon ay pangunahing akda ni Sen. Grace Poe na siyang Chair of the Senate Committee on Public Service.

Nakasaad dito na dapat munang tugunan ng LTFRB ang mga lehitimo at matitinding isyu na inilalahad ng mga apektadong driver at operator hinggil sa financial feasibility ng programa.

Ayon kay Go, bagamat naiintindihan nila ng kanyang mga kapwa senador ang pangangailangan sa pagbabago dulot ng climate change at ekonomiya ay hindi naman nararapat na ibigay sa mga mahihirap ang pasaning ito.

Giit pa ng butihing senador, kasama na sa pagbabagong dulot ng modernisasyon sa mga driver at commuter ang pag-adjust sa kanilang budget para sa bagong pamamaraan ng transportasyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter