Sen. Bong Go sa Kongreso: Tigilan na ang pang-aabuso sa paggamit ng contempt powers

Sen. Bong Go sa Kongreso: Tigilan na ang pang-aabuso sa paggamit ng contempt powers

TIGILAN ang pang-aabuso. Iyan ang panawagan ni Sen. Bong Go kasunod ng gulo ngayon sa pagitan ng Office of the Vice President (OVP) at House of Representatives.

Sa isang interview binigyang-diin ni Sen. Bong Go ang kahalagahan ng pagkakaisa at kapayapaan sa gitna ng kontrobersiya ukol sa pagkakakulong ni Atty. Zuleika Lopez, Chief of Staff ni Vice President Sara Duterte.

“I am appealing for reconciliation, kaya ako, bilang isang senador, ako’y umaapela sa lahat na sana po matigil na ang lahat ng bangayan. I appeal for reconciliation among our leaders. Ang kailangan ng mga Pilipino ngayon ay hindi kontrobersya, hindi away pulitika. Ang kailangan nila ay maayos na serbisyo at malasakit sa kapwa Pilipino,” pahayag ni Sen. Christopher ‘Bong’ Go.

Ayon pa kay Sen. Go, dapat ang mga imbestigasyong ginagawa ng Kongreso ay “in aid of legislation” at hindi ginagamit bilang instrumento ng pananakot o panggigipit.

Tinuligsa ni Go ang maling paggamit ng contempt powers matapos makulong si Atty. Lopez, na hindi naman akusado o nahatulan ng anumang krimen, at nanawagan na unahin ang kaniyang kalusugan at karapatang pantao.

“Nakikiusap po ako sa ating mga kapwa mambabatas sa House of Representatives na hinay-hinay lang sa pagpapatupad ng contempt citation at igalang po ang karapatan ng mga resource persons. Natatakot na po ang mga resource persons dahil puro naco-contempt na po sila. Imbes na maging productive ang resulta, ay hindi na po, dahil sa takot. Tandaan natin na ‘in aid of legislation’ naman po ito.”

“Hindi dapat ito naaabuso. Bilang isang mambabatas at mamamayang Pilipino, nakikiusap po ako: Please stop the harassment. Please be reminded that this should be in aid of legislation, not persecution,” ani Sen. Go.

Dagdag pa niya, dapat pag-aralan ng mga mambabatas ang mga panuntunan ng Kamara ukol sa mga imbestigasyon upang maiwasan ang posibleng pang-aabuso sa paggamit ng contempt powers.

“Bilang mambabatas, layunin natin sa mga committee hearings na matanong ang ating mga resource persons para malaman po ang katotohanan in aid of legislation. Paano tayo maka-craft ng bagong batas? Dapat nga ay magtulungan tayo dito,” giit nito.

Pagkatapos ng kaniyang mga aktibidad sa Davao City, lumipad si Go patungong Maynila upang personal na bisitahin si VP Duterte sa Veterans Memorial Medical Center at ipakita ang kanyang suporta.

“Nagpadala ako ng mensahe kay Vice President Inday Sara Duterte at sa kanyang staff kanina. Plano ko rin pong bumisita at kung anuman ang maitutulong ko in my own personal capacity at bilang senador ay handa po akong tumulong upang mabigyan ng kaayusan at solusyon ang isyung kinakaharap ng kanyang Chief of Staff na si Atty. Zuleika Lopez,” aniya.

Ikinumpara niya na sa ilalim ng noon ng administrasyong Duterte naging epektibo ang pagtutulungan ng executive at legislative branches upang makapaghatid ng serbisyo.

“Noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, wala namang ganitong nangyayari. Trabaho lang po at nagtutulungan ang mga iba’t ibang sangay ng gobyerno—ang executive at ang legislative—to craft laws para sa development po ng ating bansa at kapakanan ng ating mga kababayan. Importante ngayon trabaho muna, serbisyo muna,” aniya pa.

Sa pagtatapos, muling nanawagan si Go ng pagkakaisa at pagbibigay-serbisyo sa mga Pilipino.

“I am appealing for reconciliation para makapagtrabaho at makapagserbisyo tayo sa ating mga kababayang Pilipino. ‘Yun po ang inaantay ng Pilipino kung tatanungin niyo po sila. Mas maraming Pilipino ang gusto ng tahimik na buhay, gusto nila na maayos na serbisyo ang matatangap nila mula sa atin, mula sa gobyerno. ‘Yun lang po ang pakiusap ko,” dagdag nito.

Samantala, binigyang-diin din ng senador ang kahalagahan ng pagbibigay ng sapat na pondo sa Office of the Vice President (OVP) upang masigurong makakapagsilbi ito nang maayos sa publiko.

“Kaya nga ipinaglaban natin na maibalik po sa budget ng OVP sa susunod na taon ang para sa social services upang makapagtrabaho po sila at makapagserbisyo. Dahil ‘yan naman po ang trabaho ng Bise Presidente, not just a spare tire. Bigyan natin siya ng pagkakataon na magtrabaho dahil gusto naman niya magtrabaho para makatulong sa ating mga kababayan,” pagtatapos ni Go.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble