Sen. Bong Go: Walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas sa gitna ng warrant vs. FPRRD

Sen. Bong Go: Walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas sa gitna ng warrant vs. FPRRD

WALANG mangyayaring pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ayon kay Sen. Bong Go, ito ay sa gitna ng umano’y paglalabas ng arrest warrant laban kay dating Pangulong Duterte mula sa International Criminal Court (ICC).

Wala aniya siyang narinig o nakitang opisyal na kumpirmasyon ng naturang warrant.

Isa pa, kung tutuusin ay wala naman aniya talagang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas dahil nag-withdraw na tayo mula sa Rome Statute noon pang 2019.

Ilang beses na rin aniyang tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na hindi makikiisa ang ating gobyerno sa anumang pagkilos o pag-iimbestiga ng ICC.

“Paano nila aarestuhin kung wala namang coordination with local authorities? Pwede ba ‘yun? Paano mo aarestuhin? Sabi nga ni Dating Pangulong Duterte, hanapin n’yo s’ya sa Davao (City). Paano n’yo siya maaresto dun without the cooperation of law enforcement agencies?” ayon kay Sen. Bong Go.

Kasabay niyan ay itinanggi rin ni Sen. Go ang mga akusasyong dawit siya sa anumang ilegal na gawain kasama si dating Pangulong Duterte.

“Hindi po ako sumusunod ng any illegal order… lalo ngayon na senator po ako. Hindi siya nagbibigay kahit noon pa man ng any illegal order sa akin. Kung meron man po magbibigay ng illegal order sa akin, ‘di ako susunod kahit anong illegal order,” paliwanag ni Go.

Inamin din ni Go na nakipagkita siya kay dating Pangulong Duterte nitong nakalipas na linggo sa Davao City, matapos niyang dumalo sa pagdinig ng Senado patungkol sa kontrobersiyal na People’s Initiative (PI).

Sinabi ng senador na tutol si dating Pangulong Duterte sa PI lalo’t kung paano ito isinasagawa’t minamanipula ng mga nasa likod nito ngayon.

“Kontra po siya the way it was conducted. The process ng pagka-conduct nitong PI, masyadong minadali at naniniwala siya na hindi po tama ang pagkakagawa nito,” saad ni Go.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble