KINILALA ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. ang mahalagang papel ng mga barangay sa pagtataguyod ng bansa at pagbibigay ng pangunahing serbisyo sa mamamayan sa ginanap na General Membership Assembly ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas noong Abril 1 sa World Trade Center, Pasay City.
Dinaluhan ng mahigit 2,500 na lider ng barangay mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, layunin ng pagtitipon na talakayin ang mahahalagang inisyatiba at estratehiya upang mapalakas ang pamamahala sa grassroots level at mapaunlad ang mga komunidad.
“Lubos po akong nagpapasalamat sa Liga ng mga Barangay sa Pilipinas sa inyong mainit na pagtanggap. Kayo po ang tunay na haligi ng ating mga komunidad—ang unang sumasalo sa pangangailangan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Sen. Bong Revilla.
Bilang isang batikang lingkod-bayan, batid ni Revilla ang sakripisyo ng mga opisyal ng barangay sa pagbibigay ng agarang serbisyo sa kanilang mga nasasakupan, lalo na sa panahon ng sakuna at krisis. Binigyang-diin din niya ang kanyang suporta sa pagpapalawig ng termino ng mga barangay officials upang matiyak ang mas epektibong pagpapatupad ng mga programa at serbisyo.
“Kayo ang unang sandigan ng ating mga kababayan. Kayo ang unang tinatakbuhan sa oras ng pangangailangan. At sa mga panahong sinusubok tayo ng bagyo, sakuna, o krisis, kayo ang unang sumusuong sa panganib. Hindi biro ang inyong ginagampanan. Kaya’t nararapat lang na magkaroon ng mas mahabang panahon upang maipatupad nang maayos ang inyong mga programa,” dagdag niya.
Sa kaniyang karera sa Senado, aktibong isinusulong ni Revilla ang mga batas na may direktang epekto sa barangay, kabilang ang Expanded Centenarians Act, Kabalikat sa Pagtuturo Act, Anti-No Permit, No Exam Policy Act, at Free College Entrance Examination Act.
“Bilang kasangga ninyo sa Senado, patuloy nating isusulong ang mga adbokasiyang pinakamalalapit sa ordinaryong Pilipino – Disenteng Trabaho at Kita, Pagkain sa Bawat Hapag, at Benepisyo para sa mga Nangangailangan. Dahil sa inyong pagsisikap, patuloy nating maipapakita na ang barangay ay hindi lamang unang hantungan ng serbisyo publiko kundi ang tunay na puso ng ating gobyerno,” ani Revilla.
Sa pamamagitan ng patuloy na pakikipagtulungan ng pambansang pamahalaan at mga barangay, ipinangako ni Revilla na ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng mga polisiyang magpapalakas sa mga lokal na komunidad at mag-aangat sa buhay ng bawat Pilipino.
Follow SMNI News on Rumble