IKINALUNGKOT ni Sen. Alan Peter Cayetano ang mga maling impormasyon ukol sa paggamit ng nuclear energy sa bansa at sinabing kailangang baguhin ito sa pamamagitan ng edukasyon.
Ito ay kasunod ng pagdinig nitong Lunes, Pebrero 12, 2024, sa Philippine National Nuclear Energy Safety Act ng Senate Committee on Science and Technology na pinamumunuan ni Cayetano.
Kinilala ng senador si Dr. Carlo A. Arcilla ng Philippine Nuclear Research Institute ng Department of Science and Technology (PNRI-DOST) sa pagsisikap nito sa pagtuturo sa publiko sa mga benepisyo ng nuclear energy para sa bansa.
“Continue to educate us not only on the need for the regulatory framework but also for the future of atomic or nuclear energy in our country,” wika ni Cayetano.
Sa isang presentasyon kung saan ipinakita ang mga benepisyo ng nuclear energy hindi lamang bilang electric source kundi pati na rin para sa medikal, industriyal, at agrikultura, binigyang-diin ni Arcilla na ang maling impormasyon ay nananatiling malaking hadlang sa pagsusulong nito.
“Ang problema po talaga ng [pagsulong sa] nuclear energy ay ‘yung fake news… ‘pag sinabi kasing nuclear ang iniisip agad [ng mga tao] ay bomba,” wika niya.
Binigyang-diin ni Cayetano na malaking hadlang ang public perception sa malawakang pagtanggap ng nuclear energy sa bansa.
“I don’t envy your job of having to educate everyone… One of the major hurdles talaga is really educating people,” wika niya.
Ang panukalang Philippine Nuclear Regulation Act ay naglalayong itatag ang Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM) bilang isang independent body na may katungkulan sa paglilisensiya ng mga pasilidad na gumagamit ng mga radioactive na materyales, kabilang ang mga ospital na may mga serbisyo sa radiology, at tiyakin ang ligtas na paggamit ng nuclear energy sa bansa.
Nilinaw ng independent senator sa publiko na layunin ng PhilATOM na magtatag ng isang institusyon na patatakbuhin ng mga dalubhasa para masuri ang paggamit ng nuclear energy sa bansa.
“We’re not saying that we’re promoting or not promoting nuclear energy. What we’re saying is [we are] putting a regulatory body which can assess the safety of the use of nuclear power in the country,” wika niya.
Sa pagdinig ng komite, nilinaw na ang saklaw ng PhilATOM ay limitado sa mga regulatory function. Ang responsibilidad sa pananaliksik ay nasa ilalim pa rin ng PNRI-DOST.
Nangako si Cayetano na pabibilisin ang deliberasyon ng panukalang batas sa Senado upang mapakinabangan na ang mga benepisyo ng pagtatatag ng PhilATOM.
“For the purpose of passing this bill, we’ll try as much as possible to separate it so that hindi tayo ma-delay… I’ll really try to get it on the floor ASAP,” wika niya.