Sen. Cayetano isinusulong ang 5-year plan at scorecard para sa paggasta ng admin

Sen. Cayetano isinusulong ang 5-year plan at scorecard para sa paggasta ng admin

HINIMOK ni Senator Alan Peter Cayetano ang mga kapwa mambabatas na magkaroon ng mas maagap o “proactive” na pangangasiwa sa pagpapatupad ng 2023 National Budget at ang paggawa ng isang “scorecard” na susubaybay sa mga proyekto ng pamahalaan.

Dagdad ng independent senator, dapat na ring simulan ng administrasyon ang paggawa ng isang five-year plan na gagabay sa lahat ng programa sa pangmatagalang panahon.

“The Oversight Committee (should) be more active in the sense that we can come together with the Minority and all independents to have a sort of scorecard that we can agree with the administration,” wika ni Cayetano sa isang manifestation sa Senado noong December 5, 2022 kung kailan ipinasa ng mga senador ang 2023 national budget.

Ayon kay Cayetano, makatutulong ang scorecard sa pagbantay sa gobyerno pagdating sa mga proyekto at budget priorities na ipinangako nitong ipatutupad sa loob ng termino nito.

“Sila (ang administrasyon) ang magbigay sa atin ng criteria din kung three years, five years may plano, para namo-monitor natin. So may panic time din tayo,” wika niya.

Ibinigay niyang halimbawa ang kakulangan ng health center sa 40 percent ng mga barangay sa bansa.

“So if you say that you need 10,000 health centers and in the third year of this administration, not because of the budget but let’s say because of implementation, 3,000 lang ang nagawa, then we know that there’s something we have to change,” paliwanag niya.

“And then you have the latter part of the administration, the last three years to try to make up for the targets that were not met,” dagdag niya.

Giit ni Cayetano, makatutulong ang five-year plan para matugunan ng gobyerno ang mga matagal nang kakulangan sa pagbigay ng mga pangunahing pangangailangan ng taumbayan.

“Doon tayo sa pinakasimple. So ano’ng kulang natin sa DepEd? Classrooms ba o teachers ba? And ‘yan ba kayang gawin in one year, three years, o five years? O ano’ng kulang natin sa health centers?” wika niya.

Maging ang infrastructure development aniya ay makikinabang sa isang five-year plan dahil makagagawa ang pamahalaan ng mas malinaw na layunin para sa mga proyekto na naaayon sa “Build Better More” program nito.

“We always have a Medium Term Development Plan but when you look at it, most of the time generic siya. So for example, all Medium Term Plans will tell us na kailangan cheaper and more efficient delivery of goods and mobility of people. Pero hindi mo alam (kung ano ang) i-expect sa five years,” wika ni Cayetano.

“May subway na ba yan? Metro Manila lang ba ang bibigyan ng trains o pati Metro Davao, Metro Cebu? Paano y’ung ibang gustong maging metro din? Paano ang Baguio?” dagdag niya.

Sumang-ayon si Finance Committee chair Senator Sonny Angara kay Cayetano sa mga mungkahi nito, na aniya’y galing sa matagal na panahon nitong paninilbihan bilang Speaker ng House of Representatives at bilang Secretary of Foreign Affairs.

Kitang kita po y’ung lawak ng kanyang karanasan. Ganun din kalawak y’ung kanyang pagtingin o pananaw. (He has a) very long-term vision,” wika ni Angara.

“I think the administration would probably have — if it hasn‘t already finished — y’ung medium term development plan at doon nakapaloob y’ung karamihan ng mga [achievement] target. But if we feel that any is lacking in detail, I think we can ask the officials to make it more coherent or specific so that we can determine kung na-meet nga y‘ung goals na y’un,” dagdag ni Angara.

Hiniling ni Cayetano na payagan siyang magsalita kapag napirmahan na ng Pangulo ang General Appropriations Act dahil aniya kailangang suriin ang mga detalye sa final version nito.

“I ask the good chairperson (Angara) and the Senate President and the Majority Leader for the chance to speak more about the budget once we see all the details, but again, I’m very sincere, congratulations on the hard work,” wika niya.

“We can sometimes criticize, we can sometimes collaborate but in the end, the success of this budget, the success of this administration is a success of the Filipino people,” dagdag ni Cayetano.


Follow SMNI News on Twitter