Sen. Cayetano umapela ng walang iwanan sa 2023 national budget

Sen. Cayetano umapela ng walang iwanan sa 2023 national budget

“WALANG iwanan”, ang hiling ni Senator Alan Peter Cayetano sa mga kapwa mambabatas sa pag-uumpisa ng Bicameral Conference Committee.

Nais ng senador na mag-rereconcile ng Senate at House versions ng P5.268 trillion National Budget para sa taong 2023.

 “We need a national budget that leaves no Filipino behind. Walang iwanan dapat,” saad ni Sen. Peter Alan Cayetano.

“We should make every effort to provide quality jobs all over the country and not just in Metro Manila, Cebu, Davao, and other urban centers. It’s time we replicate this growth in other regions,” dagdag niya.

Ayon sa independent senator, panahon na para gawing pantay-pantay sa mga rehiyon at probinsya ang national budget, na sa nakaraan ay madalas na nakapabor sa National Capital Region (NCR) at iba pang urban centers.

 “Equity is an essential element of unity. Equity is fairness. It is social justice. It is the key in providing opportunity for all Filipinos to fulfill their potential not just for themselves but for the benefit of the entire nation,” dagdag nito.

Matagal nang ipinaglalaban ni Cayetano ang regional planning at rural development dahil aniya karapatan ng bawat Pilipino na magkaroon ng pagkakataong mamuhay nang maayos saan man sila nakatira sa bansa.

Ayon sa dating house speaker, magiging kaaya-aya sa mga Pilipino ang manirahan sa kanayunan kung sisiguruhin ng pamahalaan na may kuryente, tubig, internet connection, maayos na eskwelahan, at health center ang bawat barangay sa bansa.

Dapat ding magkaroon ng kahit isang tertiary hospital ang bawat probinsiya para hindi na kailangang bumiyahe nang malayo ang mga nakatira sa mga rural areas.

Sa ngayon kasi, ani Cayetano, nakatipon ang mga ito sa NCR na may halos 60 tertiary hospitals, samantalang ang mga rehiyon ay karaniwang may tag-lima lang.

 “Marami sa kanila ang umasang may trabaho o ibang mapagkakakitaan sa kanilang pag-uwi. Let’s not disappoint them. Let’s instead reward their commitment by pouring in the necessary funds so that jobs can be created in the regions,” pahayag pa ni Sen. Cayetano.

Ipinaalala ni Cayetano na maraming Pilipino ang umuwi sa kani-kanilang probinsya noong kasagsagan ng pandemya sa pamamagitan ng “Balik-Probinsya, Bagong Pag-asa” program ng nakaraang administrasyon.

Dapat ding pagtuunan ng pansin ng pamahalaan aniya ang pagsasaayos ng irigasyon, farm-to-market roads, mga tulay, at iba pang infrastructure dahil mapaparami nito ang mga trabaho sa kanayunan.

Isa pa sa nais niyang tuunan ng pansin ay ang maaaring paglipat ng ilang mga ahensya ng pamahalaan sa mga rehiyon kung saan mas malaki ang magiging epekto nila.

Isa rin itong paraan para mabawasan ang kasikipan sa Metro Manila at iba pang urban centers.

Nauna nang sinabi ni Cayetano na maaaring ilipat ang Department of Agriculture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR) sa Central Luzon na kinikilalang rice granary ng bansa.

Maaari ding ilipat ang Department of Transportation (DOTr) sa Cavite kung saan naaprubahan na ang pagtatayo ng bagong international airport.

Ang Department of Tourism (DOT) ay pwedeng ilipat sa Cebu dahil isa itong tourist haven.

Nangako ang senador na patuloy niyang ipaglalaban ang issue ng pantay na distribusyon ng budget sa mga Bicameral Conference Committee, kung saan isa siya sa mga miyembro.

Follow SMNI NEWS in Twitter