Sen. Chiz sa DOLE: Alagaan ang kapakanan ng mga manggagawa, suportahan ang P100 dagdag-sahod

Sen. Chiz sa DOLE: Alagaan ang kapakanan ng mga manggagawa, suportahan ang P100 dagdag-sahod

NANAWAGAN si Sen. Chiz Escudero sa Department of Labor and Employment (DOLE) na dapat na itaguyod ang kapakanan ng mga manggagawa sa bansa at suportahan ang Senate Bill No. (SBN) 2534 na magbibigay ng P100 dagdag-sahod kada araw para sa mga empleyado sa pribadong sektor.

Binigyang-diin ni Escudero na ang pangunahing gawain ng DOLE ay pangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa at hindi dapat harangin ang anumang batas na naglalayong mapabuti ang kalagayan ng mga nagtatrabaho.

“Nagtataka ako bakit umaalma ang DOLE sa panukalang batas na ito. It is supposed to take the side of workers,” ani Escudero bilang tugon sa babala ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na ang pagtaas ng sahod ay maaaring magdulot ng posibleng pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa kaniyang pahayag, iginiit ng senador,

“Ang kanilang ginagawa ay trabaho ng DTI… ito ay lalong nagbibigay-justipikasyon sa panukalang batas dahil walang nagmamalasakit sa ating mga manggagawa at lahat ay puro pro-negosyo lamang.”

Noong nakaraang Lunes, sinabi ni Escudero na ang mga manggagawang Pilipino ay sobra nang nagtiis at nararapat lamang na mabigyan sila ng mas mataas na kabayaran, habang bumoboto siya ng “oo” sa pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng nasabing panukalang batas.

Ipinahayag din niya ang kaniyang pag-asa na ang Kamara ay magpasa ng sariling bersiyon ng panukalang batas upang ang mga minimum wage earner sa pribadong sektor ay makatanggap na ng matagal nang inaantay na pag-angat ng sahod.

“Nagtiis na sa mahabang panahon ang ating mga manggagawa… Ang aking hiling at panalangin, sana ay bigyan din ng panahon at pagkakataon ito ng Kamara upang mabigyang-buhay. Pagdebatehan kung kinakailangan, pagbotohan kung kinakailangan. Ang mahalaga, ito ay mapag-usapan at bigyan ng pag-asa na makapasa upang mabigyan ng pag-asa ang ating mga manggagawa,” aniya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble