Senator Dela Rosa, nagbabala kaugnay sa recruitment gamit ang pangalan ng MNLF

Senator Dela Rosa, nagbabala kaugnay sa recruitment gamit ang pangalan ng MNLF

KASALUKUYANG may nangyayaring recruitment sa Mindanao gamit ang pangalan ng Moro National Liberation Front (MNLF) upang makakuha ng benepisyo na inilaan ng gobyerno sa nasabing grupo.

Ito ang inungkat ni Senador Ronald dela Rosa sa Office of the Presidential Adviser (OPAPRU) sa isinagawang budget deliberation nito ngayong Miyerkules.

Dagdag pa ng senador, mayroon ding kaso ng land grabbing gamit ang pangalan ng MNLF.

Dahil dito ay nagbigay ng payo ang senador kay OPAPRU Secretary Carlito Galvez, Jr., na maging maingat sa ganitong mga modus.

“Maraming mga grupo na ganon doon. I am just giving you the idea. Baka mamaya ma-encounter mo itong mga grupong ito using the name of the MNLF for economic gains,” ayon pa sa senador.

Sinang-ayunan naman ito ni Galvez at aniya ay may kaso nang inapila ang ahensiya sa mga taong nagre-recruit sa Zamboanga City kahit pa noong kasagsagan ng Marawi siege.

Ayon kay Galvez, nahatulan ng pagkakulong hanggang 10 taon ang mga nasabing indibidwal na nasa likod ng nasabing bogus recruitment.

“To safeguard our government programs for the MNLF, doon tayo sa kampo nagbibigay ng benefits. Talagang ini-scrutinize natin ‘yung identity,” ani Galvez.

Dagdag pa ni Galvez, nakipag-ugnayan na rin ito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng academe upang berepikahin ang mga pagkakilanlan ng MNLF beneficiaries.

Sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program, inaprubahan ang P1.891-B budget ng OPAPRU.

Gayunpaman, humiling ang ahensiya ng karagdagang P608-M na gagamitin sa National Amnesty, Social Healing and Peace Building GPH-Moro Islamic Liberation Front (MILF) Peace Process, ng GPH-MNLF Peace Process Initiatives.

 

KAUGNAY NA BALITA:

Pag-unify ng MILF at MNLF sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Government, makasaysayan – Sec. Galvez

Follow SMNI NEWS in Twitter