15 majority votes ang nakuha ni Senate President Chiz Escudero mula sa ipinaikot na resolusyon para sa pagpapalit ng liderato.
‘Yan ay ayon mismo sa bagong Majority Floor Leader na si Sen. Francis Tolentino.
Kabilang sa pumirma rito ay ang mga PDP-Laban Senators kasama si Sen. Bong Go at Sen. Bato dela Rosa na kahapon ay pinuri ni Zubiri dahil sa pagsuporta sa kaniya.
Sa ilalim ng bagong liderato, itinanggi ni Tolentino na magiging rubber stamp ang Senado ng Malacañang dahil sa usap-usapang may malaking papel ang Palasyo sa nangyayari ngayon sa Senado.
“It has to be proven, hindi siguro rubber stamp ang Senado,” saad ni Sen. Francis Tolentino.
Si SP Escudero ayaw nang patulan ang mga nasabi ni Zubiri kaugnay sa pagpapalit ng Senate Leadership.
“Mananatili akong pasensyado,” ayon kay SP Chiz Escudero.
Sinabi nito na may kaniya-kaniyang rason ang mga senador para sa pagpapalit ng liderato.
Aminado naman siya na nagkikita sila ng mga congressman noong nakaraang linggo pero hindi aniya napag-usapan ang Senate leadership dahil hindi aniya dapat nangingialam ang Kamara sa Senado at gayundin ang Senado sa Kamara.
Hindi rin aniya dapat mauwi sa personalan ang diskusyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
“Dapat hindi dapat nagpapakialaman,” dagdag ni Escudero.
Bato kay Zubiri: I failed to win the war for you
Samantala si Dela Rosa, nagpaliwanag naman kung bakit siya pumirma sa resolusyon para sa pagpapalit ng Senate Leadership.
Pero nilinaw ni Dela Rosa na bago pa lumapit ang grupo ni Escudero ay nakakuha na ito ng sapat na boto na nasa 14.
Sinabi naman ni Dela Rosa, na gaya ni Zubiri ay heart-broken siya para dito.
Humingi pa nga ito ng pasensiya kay Zubiri.
Nagi-guilty rin aniya siya sa lumalabas na balita na ang pagdinig ng Senado sa PDEA leaks ang dahilan ng pagkakatanggal kay Zubiri bilang Senate President.
Samantala, sinabi naman ni Estrada na si Escudero ang unang tumawag sa kaniya para sa hangarin nitong maging SP.
“I received a call from Escudero, and I agreed,” Sen. Jinggoy Estrada.
Chiz Escudero, inaming siya ang nanguna para mapalitan si Zubiri
Inamin ni Escudero na siya ang gumawa ng hakbang para mapalitan sa puwesto si Zubiri.
Ang mga senador na sumporta kay Escudero ay sina Alan Peter Cayetano, Pia Cayetano, Ronald dela Rosa, Jinggoy Estrada, Bong Go, Lito Lapid, Imee Marcos, Bong Revilla Jr., Francis Tolentino, Raffy Tulfo, Robin Padilla, Grace Poe, Cynthia Villar, at Mark Villar.
Habang anim naman ang nanatiling loyal kay Zubiri na sina Senators Loren Legarda, Joel Villanueva, Sonny Angara, Nancy Binay, Sherwin Gatchalian, at JV Ejercito.