Sen. Franklin Drilon, muling binira ang panukalang pondo para sa NTF-ELCAC

PINAG-INITAN na naman ni Senate Minority Floor Leader Senator Franklin Drilon ang panukalang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) matapos mapag-alamang tinapyasan ang panukalang pondo para sa Department of Science and Technology (DOST).

Mula sa PhP24.916 billion na proposed budget ay natapyasan ito ng PhP1.12 billion base sa inaprubahang pondo ng Malacañang at ng House of Representatives (HOR) para sa naturang ahensiya.

Ayon kay Drilon, ang reductions ay mula sa mga ahensya na involve para sa research and development.

“This is a little bit worrisome. I would like to suggest to the good vice chairman of the Finance Committee to give this a good review and if merited, we should restore the (budget),” saad ni Drilon.

“We appeal to our colleagues to take a good look at the budget of this whole agency,” dagdag nito.

Dahil dito, muli namang pinag-initan ng senador ang pondo ng NTF-ELCAC.

Kinuwestiyon ni Drilon kung bakit kinaltasan pa ang Php24 billion proposed budget ng DOST ngunit halos Php30 billion ang nais ipagkaloob sa task force.

“Let us not forget that the NTF-ELCAC has a budget of Php30 billion. Just look at it. We will not justify the reduction. In the National Expenditure Program the Department of Science and Technology was given a budget of only Php24, 055, 868,000. Something is wrong in our priorities,” giit ng senador.

Mapapansin na mahigit isang bilyon lang ang itinapyas ng National Expenditure Program (NEP) at HOR sa budget ng DOST pero nag-aalala na dito si Drilon.

Pero sa proposed budget ng NTF-ELCAC sa 2022 ay Php24 billion ang itinapyas ng mga senador habang sa Kamara ay Php28 billion ang ipinagkaloob nitong pondo para sa task force.

Dahil dito minsan nang sinabi ni Senator Ronald dela Rosa na dahil sa ginawa ng Senado ay baka mapagkamalan na kampi sa New People’s Army (NPA) ang mga senador.

Ang NTF ELCAC ay itinatag para makapagbigay ng mga programa para malabanan ang insurhensiya sa pamamagitan ng Barangay Development Program (BDP).

“Baka sabihin nila na tayo sa Senado ay pro-NPA dahil tinanggal natin ang pondo na nakakapatay sa problema ng NPA,” saad ni dela Rosa.

Ang balitang ito ay una ng pinalagan ni Pastor Apollo C. Quiboloy, ang Executive Pastor ng The Kingdom of Jesus Christ at chairman ng Sonshine Media Network International (SMNI), at tinawag na walang puso ang mga senador

“Biriuin ninyo, Php28 billion (pagkatapos) ang kinaltas ninyo Php24 billion? Iiwanan lang ninyo ng Php4 billion? Bakit hindi na lang ninyo kunin lahat tulad ng sinabi ni madam Vice President (Leni Robredo) (na) i-defund na lang lahat?” wika ni Pastor Apollo.

SMNI NEWS