Sen. Gatchalian, iginiit na kailangan ang LNG para matiyak ang sapat na suplay ng kuryente

Sen. Gatchalian, iginiit na kailangan ang LNG para matiyak ang sapat na suplay ng kuryente

SUPORTADO ni Senator Win Gatchalian ang hakbang ng Department of Energy (DOE) na humikayat ng investments sa industriya ng liquefied natural gas (LNG) sa lalong madaling panahon upang matiyak ang sapat na suplay ng kuryente sa bansa.

“Makakabuti ang LNG para sa seguridad ng enerhiya ng bansa ngayon at suportado natin ang hakbang ng DOE hinggil sa pagpapatayo ng LNG terminals para matiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng kuryente ngayong taon, lalo na’t paubos na ang suplay mula sa Malampaya,” sabi ni Sen. Gatchalian.

Makakabuti ang LNG para sa seguridad ng enerhiya ng bansa lalo na’t paubos na ang suplay ng natural gas mula sa Malampaya.

Ang service contract ng Malampaya gas field ay inaasahang magtatapos sa 2024 maliban na lang kung palalawigin.

Sakaling wala nang energy supply mula sa Malampaya ay inaasahang mag-iiwan ng malaking kabawasan sa kabuuang suplay ng kuryente sa bansa.

Ang Malampaya kasi ang nagsusuplay ng halos 25% ng kuryente sa Luzon at 18% sa buong Pilipinas, sabi ni Gatchalian.

“Ang pagtatatag ng mga pasilidad ng LNG ay tumutugon sa inaasahang kakulangan sa suplay ng kuryente ng bansa sa medium o short term. Tiyak, isa ito sa mga intervention project na kailangan natin upang tugunan ang paubos na suplay,” dagdag ni Gatchalian.

Dagdag pa niya, ang LNG ay itinuturing na isang transition fuel habang nagkukumahog ang buong mundong mamuhunan sa renewable energy (RE).

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 152 na nagtatadhana para sa National Energy Policy and Framework for the Development and Regulation of the Philippine Midstream Natural Gas Industry.

Ang panukalang batas na ito ni Gatchalian ay nagbibigay-daan sa pakikilahok ng pribadong sektor, nagbibigay ng flexibility para sa gobyerno na umangkop sa kondisyon ng merkado, at tinitiyak ang interes ng mga mamimili habang hinihikayat ang transparency at kompetisyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter