Sen. Gatchalian ipinanawagan ang pagpapaigting sa kakayahan ng mag-aaral na bumasa

Sen. Gatchalian ipinanawagan ang pagpapaigting sa kakayahan ng mag-aaral na bumasa

SA gitna ng pagdiriwang ng National Book Week, binigyang-diin ni Senator Win Gatchalian ang kahalagahan ng mga programang magpapaigting sa kakayahan ng mga mag-aaral pagdating sa pagbabasa.

Matatandaan na bago pa sumiklab ang pandemya ng COVID-19, lumabas sa mga pag-aaral na napag-iiwanan na ang mga Pilipinong mag-aaral ng mga mag-aaral sa ibang bansa.

Sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) out of 79 countries, ang Pilipinas ang may pinakamababang marka pagdating sa reading o pagbasa.

Upang tugunan ang naging pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 150 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act na layong magpatupad ng pambansang programa para sa learning recovery.

Magiging bahagi ng naturang programa ang mga tutorial sessions.

Bibigyan din ng prayoridad ng programa ang reading upang hasain ang critical at analytical thinking skills ng mga mag-aaral.

Ipinapanukala rin ni Gatchalian na ideklara ang Nobyembre bilang National Reading Month.

Sa Senate Bill No. 475, iminumungkahi ni Gatchalian ang pagkakaroon ng mga nationwide reading programs at activities bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Reading Month.

Ito ay upang isulong ang kultura ng pagbabasa sa mga mag-aaral ng basic education at kanilang mga komunidad.

Follow SMNI NEWS in Twitter