NAGHAIN si Senador Sherwin Gatchalian ng panukalang batas na layong paikliin ang tagal ng kolehiyo – mula apat na taon, gagawin na lang itong tatlong taon.
Tinawag na Three-Year College Education Act ang naturang panukala at isa ito sa mga prayoridad na batas ni Gatchalian para sa ika-dalawampung Kongreso.
Ayon sa senador, layunin ng panukala na bigyan ng kapangyarihan ang Commission on Higher Education na magbigay ng flexibility para sa mga programa ng degree na matatapos sa loob ng tatlong taon.
Gayunpaman, tiniyak ng senador na ang haba ng kurso ay dapat pa ring nakabatay sa pangangailangan ng industriya, mga internasyonal na pamantayan, at pinakamahusay na kasanayan.
Isinusulong din sa panukala na ang mga General Education course ay mailipat na sa senior high school, para sa kolehiyo ay makapagtuon ang mga estudyante ng higit na panahon para sa internship at advanced specialization.
Ipinunto ni Gatchalian na ang panukalang batas ay bunga ng mga natuklasan ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM II, na nagsabing ang mga programa sa kolehiyo sa Pilipinas ay madalas na general education-heavy at kulang sa internship.
Ayon sa senador, noong ipinatupad ang K-12 program, ipinangako na magiging mas maikli ang panahon ng kolehiyo dahil sa karagdagang dalawang taon sa senior high school.
Sa ngayon, naniniwala si Gatchalian na panahon na para tuparin ang pangakong ito at bigyan ng pagkakataon ang mga kabataan na makapagtapos ng kolehiyo sa mas maiikling panahon.