NAIS ni Senator Win Gatchalian na imbestigahan ng Senado ang posibleng pagkakasangkot ng industriya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa mga kaso ng human trafficking sa bansa.
Kasunod ito ng pinakahuling kaso ng human trafficking na nasawata ng mga awtoridad kung saan nailigtas ang mahigit 1-K katao sa Clark Sun Valley Hub na matatagpuan sa Clark Freeport Zone.
Kabilang sa mga nailigtas ay ang 389 na Vietnamese, 307 na Chinese, 171 na mga Pinoy, 143 Indonesians, 40 Nepalese, 25 Malaysians, 7 Burmese, 2 Thai nationals, at 1 mula sa Hong Kong.
Ayon kay Gatchalian, ang compound kung saan na-rescue ang mga indibidwal ay hinihinalang POGO hub na nag-ooperate mismo sa loob ng Clark Freeport Zone, na ngayon ay kasalukuyang iniimbestigahan na ng Department of Justice (DOJ) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).