Sen. Gatchalian pinuri ang hakbang ng administrasyon na tiyakin ang dekalidad na edukasyon ng mga guro

Sen. Gatchalian pinuri ang hakbang ng administrasyon na tiyakin ang dekalidad na edukasyon ng mga guro

IPINAMALAS ng gobyernong Marcos ang pangako nitong magbigay ng de-kalidad na edukasyon na para sa mga guro matapos itong isama sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028.

Ani Senator Sherwin Gatchalian noong Sabado, na ang Republic Act No. 11713 o ang Excellence in Teacher Education Act na nilagdaan noong nakaraang taon, ay naka-highlight sa PDP 2023-2028.

Binabago ng batas ang Teacher Education Council (TEC) sa pamamagitan ng pagpapalakas ng koordinasyon sa pagitan ng Department of Education, Commission on Higher Education at Professional Regulation Commission.

Sa ilalim ng batas, inaatasan ang TEC na magtakda ng mga pangunahing kinakailangan para sa mga programa sa edukasyon ng guro at tiyakin ang pagkakaugnay ng edukasyon at pagsasanay ng guro mula sa pre-service hanggang sa in-service.

Binigyang-diin ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education na ang guro ang may pinakamahalagang papel sa edukasyon, ngunit nababahala siya sa mababang passing rate sa Licensure Examination for Teachers.

Mula 2014 hanggang 2022, pumalo lamang sa 34% ang average passing rate para sa mga LET takers sa Elementary level.

Sa secondary level naman, umabot lamang sa 40% ang average passing rate.

Lumabas din sa Philippines Public Education Expenditure Tracking and Quantitative Service Delivery Study (PETS-QSDS) ng World Bank na hindi sapat ang kakayahan ng mga guro para ituro ang malaking bahagi ng K to 12 Curriculum.

Maliban sa English elementary teachers, ang pangkaraniwang guro sa elementary at high school ay hindi nakakasagot nang tama sa kalahati ng mga subject content tests.

“Kasabay ng pag-angat natin sa kalidad ng edukasyon para sa ating mga kabataan, mahalagang tutukan din natin ang edukasyong natatanggap ng ating mga guro. Ngayong meron na tayong batas para sa pag-angat sa kalidad ng teacher education, kailangang tiyakin natin na maipatutupad ito nang maayos dahil ang ating mga mag-aaral ang lubos na makikinabang dito,” ani Gatchalian.

Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang PDP 2023-2028 noong Disyembre 16, 2022, na may layuning palakasin ang malalim na pagbabago sa ekonomiya at panlipunan, muling pasiglahin ang paglikha ng trabaho at pabilisin ang pagbabawas ng kahirapan.

Tiniyak din ni Gatchalian, na siya ring co-chairperson ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), ang pagpapatupad pa ng mga reporma sa sektor ng edukasyon.

Nilikha ng Republic Act No. 11899 o ng Second Congressional Commission on Education Act ang EDCOM II upang repasuhin ang sektor ng edukasyon sa bansa.

Magrerekomenda rin ang EDCOM II ng mga tiyak at napapanahong mga reporma upang isulong ang pagiging globally competitive ng Pilipinas sa parehong education at labor markets.

Follow SMNI News on Twitter