INIHAYAG ni Senador Bong Go na handa siyang makatrabaho kung sino man ang mapipili ng PDP-Laban na makatambal nito sa 2022 elections.
Kasabay ng pagbubukas ng Malasakit center sa Valenzuela City, ay nagbigay din ng kanyang pahayag si Sen. Bong Go patungkol sa 2022 elections. Aniya, hindi siya namimili kung sino man ang kanyang makatambal.
Handa si Senator Go kung sino man ang mapipili ng partido nitong PDP-Laban na magiging ka-tandem niya sa 2022 national elections.
Ito ang pahayag ni Go sa isang panayam kasabay ng pagbukas ng Malasakit center sa Valenzuela city.
‘’Alam nyo meron po akong partido PDP-Laban at ang aming pinuno Chairman namin si Pangulong Duterte at siguro naman po pinoproseso pa ng partido ang lahat. Ako naman po malakatrabaho naman po ako kahit kanino kahit sino pa yan, importante po sa akin kung sino po yung pinakamalapit sa continuity,’’ayon Go.
Ibig sabihin, ani Go, mahalaga lamang dito na maipagpapatuloy nilang pareho ng kanyang magiging ka-tandem ang mga magagandang programa ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay katulad na lamang ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga, kriminalidad, korupsyon.
Kasama na rin ang adhikaing maipagpapatuloy ang build, build, build projects ng gobyerno, ang libreng edukasyon at pagpapagamot.
Sabay ding binanggit ni Go, na base sa sinabi ni energy secretary Alfonso Cusi, nariyan ang lahat ng posibilidad lalo’t hindi pa naman pinal ang lahat.
Saad ng senador, hindi pa masasabi kung ano ang mangyayari lalo’t may huling araw pa ng paghahain ng Certificate of Candidacy bukas.
Sa kabilang banda, nagbigay garantiya naman si Sen. Go na kung papalarin siyang mahalal na bise presidente sa susunod na taon, ay kanyang tiniyak na gagawin niya ang lahat ng tulong, pagmamalasakit, pagmamahal at pagseserbisyo sa bayan.
‘’Hindi ko po sasayangin, i will be a working vice president,walang oras walang minuto na masasayang. Magseserbisyo po ako hindi lang salita…but sa gawa…ipapakita ko po sa inyo ang working vice president, hindi spare tire na walang ginagawa dyan kundi batikusin lang ang gobyenro,’’dagdag nito.
Ibinahagi naman ni Go ang mga payo at mga natutunan niya mula kay Pangulong Duterte pagdating sa pagiging public servant.
‘’Isa lang po ang pinapayo nya sa akin unahin mo lang ang interes ng mga pilipino unahin mo lang ang kapakanan ng pilipino mahalin mo ang kapwa mo pilipino. Sabi nya hindi hindi ka magkakamali,’’ayon kay Go.