ISUSULONG muli ang panukalang batas na lilikha sa Department of Disaster Resilience ayon kay Senator Bong Go.
Ilang linggo bago ang pagbabalik-sesyon sa Kongreso ay tiniyak ni Sen. Go na kaniyang muling isusulong ang panukalang batas na magtatayo ng Department of Disaster Resilience (DDR).
Ito ang inilahad ni Go sa kaniyang interview sa kaniyang pamamahagi ng relief efforts sa Brgy. Bagbag sa Quezon City.
Binigyang-diin ni Go na kung maisasabatas ang nasabing panukala, isang departamento sa antas ng kalihim ng gabinete ang tututok sa tatlong mahahalagang aspeto, tulad ng pagbawas sa panganib sa kalamidad, paghahanda at pagtugon sa sakuna.
Upang suportahan ang mga tungkulin at responsibilidad ng DDR, ang iminungkahing panukala ay nagbibigay rin para sa paglikha ng isang Integrated Disaster Resilience Information System (IDRIS) na magsisilbing database ng lahat ng nauugnay na impormasyon sa pagbabawas ng panganib sa kalamidad at pagbabago ng klima.
Higit pa rito, binanggit ni Go na ang panukalang batas ay naglalayong tugunan ang mga matagal nang isyu at hamon sa disaster management, kabilang ang kawalan ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya ng gobyerno at ang kawalan ng malinaw na chain of command sa panahon ng mga emerhensiya, dahil ang mga mahahalagang tungkulin at mandato ay kasalukuyang nakakalat sa mga iba’t ibang ahensiyang may kinalaman sa kalamidad.
Bukod sa DDR, kabilang din sa sinabi ni Go na kaniyang muling isusulong ay ang pagkakaroon ng evacuation center sa kada munisipyo.
Kasabay nito ay tiniyak naman ni Go na kahit hindi niya pet bills ay patuloy niyang susuportahan ang mga ito hangga’t nakatutok sa pagtulong sa mga mahihirap.