Sen. Go muling nanawagan sa PhilHealth na ‘wag patulugin ang pondo

Sen. Go muling nanawagan sa PhilHealth na ‘wag patulugin ang pondo

NANAWAGAN si Sen. Bong Go sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na sulitin ang resources nito sa gitna ng nararanasang krisis ng mga pasyente sa bayarin sa ospital.

Sa isang session sa Senado ay sinabi ni Go na dapat gamitin ng PhilHealth ang sobra-sobra at natutulog nitong reserve funds para palawakin ang mga benepisyo at bawasan ang kontribusyon ng mga miyembro.

“Sobra-sobra ang pera ninyo, laki-laki ng reserve fund ninyo. Gamitin niyo po ito sa mga pasyente. Taasan niyo ang inyong case rates, palawakin ang benefit packages, at kung maaari babaan niyo po ang inyong premium. Nakatulog lang po ang pondo niyo d’yan, PhilHealth,” diin ni Go.

Ibinahagi rin niya ang ‘di pagtutugma sa pagitan ng pondo ng PhilHealth at paggamit nito, na nagiging pahirap din sa mga pasyenteng dahil sa kulang na coverage.

“Tingnan niyo ang hospital billing ninyo, PhP300,000, ang ibabawas lang d’yan, less than PhP10,000. Hirap na hirap po ang mga pasyenteng lumabas sa ospital dahil wala silang pambayad. Gamitin niyo po ‘yung PhP500 billion ninyo na pondo na natutulog lang po d’yan,” pahayag ni Go.

“Mag-isip kayo, 9,000 case rates ang natutulog d’yan hindi niyo pa ina-aksyunan,” dagdag pa niya.

Sa isang pampublikong pagdinig noong Hulyo 30 na pinangunahan ng Senate Committee on Health na pinamumunuan ni Go, ay una niyang ipinanawagan na palawakin ang healthcare benefits, taasan ang case rates, at bawasan ang mga kontribusyon ng miyembro matapos ihayag na mayroong sobrang pondo ang PhilHealth.

Ito ay matapos ibunyag na ang PhilHealth ay may PhP90 bilyon na sobrang pondo at nakatakdang ibalik sa National Treasury, pati na rin ang humigit-kumulang PhP500 bilyon na reserbang pondo.

“Bilang chairperson ng naturang komite, hindi po katanggap-tanggap na sobra-sobra ang pondo ng PhilHealth na hindi naman nagagamit pero napakaraming Pilipino ang naghihingalo at hindi makapagpagamot dahil walang pambayad sa ospital,” aniya.

“Tandaan po natin na sa alinsunod sa Universal Health Care Law, lahat ng Pilipino ay miyembro ng PhilHealth. Dapat gamitin nang tama ang sapat na pondo ng PhilHealth para mapakinabangan ng mga mahihirap na Pilipinong may sakit,” dagdag pa ni Go.

Sa pagtatapos ng kaniyang talumpati, ipinahayag ni Go ang kaniyang dedikasyon sa patuloy na pagpapabuti ng sistema ng healthcare, na kaniyang itinuturing na mahalaga para sa mga Pilipino.

“Ikinagagalak ko na ginagawa natin ang tamang mga hakbang upang higit pang mapahusay at mapatatag ang ating sistema ng healthcare,” pagtatapos niya.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble