Sen. Go, nanawagan na suportahan ang vaccination program ng gobyerno kontra pertussis

Sen. Go, nanawagan na suportahan ang vaccination program ng gobyerno kontra pertussis

UMAPELA si Sen. Christopher “Bong” Go sa mga magulang na makiisa sa pagsisikap ng gobyerno na mabakunahan ang kanilang mga anak laban sa pertussis o mas kilala bilang “whooping cough”.

Sa isang interiew, binigyang diin ni Go ang kahalagahan ng maagang pagbabakuna na isinasagawa ng gobyerno lalo na para sa mga bata.

“Mayroon pong vaccination drive ang ating gobyerno. Hinihikayat ko po ang mga magulang na magpabakuna. Libre naman po ito mula sa DOH (Department of Health), para mas protektado po ang ating mga anak,” ayon kay Sen. Bong Go, Chair, Senate Committee on Health.

Binigyang diin din ng senador ang pangangailangan ng mga pangmatagalang estratehiya para palakasin ang kakayahan ng bansa na tugunan ang mga nakakahawang sakit.

Kasama na rito ang pagpapabuti sa imprastruktura ng pangangalaga sa kalusugan, pagpapalakas ng mga kampanya sa kaalaman ng publiko hinggil sa pagbabakuna, at pagpapatibay ng kooperasyon sa pagitan ng mga ahensiya ng gobyerno, mga tagapagbigay ng pangangalaga sa kalusugan, at mga komunidad.

Partikular na iginiit ni Go ang pagpapalakas ng mga pagsisikap sa pagbabakuna ng gobyerno kung saan kabilang dito ang mandatory vaccination program para sa pertussis.

“Napakahalaga na maunawaan natin na ang pertussis ay isang sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna… Kasama naman ito sa mandatory vaccination program ng gobyerno na dapat maimplementa nang maayos ng mga ahensya para siguruhin na ang bawat isa, lalo na ang mga bata, ay protektado laban sa sakit,” ani Go.

Binigyang diin din ni Go ang kahalagahan ng pagtuklas ng kakayahan sa produksiyon ng bakuna sa loob ng bansa sa pamamagitan ng inihain niyang panukala para sa pagtatayo ng Virology Science and Technology Institute (VSTI).

Mahalaga aniya ang pagtutok sa mga pangmatagalang solusyon tulad ng kakayahang paggawa ng sariling bakuna, lalo na sa mga panahon ng global na kakulangan sa suplay.

“Ngayon, moving forward, nag-file din po ako ng Senate Bill No. 196. Ito pong Virology Science and Technology Institute na sana po pagdating ng panahon, may kakayahan naman tayong mag-produce ng ating sariling bakuna. Napakaimportante po n’on,” paliwanag niya.

Kung maisasabatas ang SBN 196, ito ay magtatatag ng Virology Science and Technology Institute na siyang magsasagawa ng pag-aaral at pag-iimbestiga sa viral na mga sakit sa bansa. Kasama sa pangkalahatang layunin ng panukala ang pagtulong sa pagpapalakas ng kakayahan ng bansa sa pag-develop ng mga bakuna laban sa mga highly pathogenic emerging viruses.

Samantala, nag-file rin si Go ng SBN 195, na naglalayong magtatag ng Center for Disease Control and Prevention ng bansa. Ang mga panukalang ito ay naglalayong palakasin pa ang sektor ng pangangalaga sa kalusugan ng publiko ng bansa matapos ang mga natutunan mula sa mga hamon na dala ng pandemya ng COVID-19.

Ikinababahala ng mga opisyal ng kalusugan ang bagong pagtaas ng kaso ng pertussis.

Mula Enero hanggang Marso 2024, mayroong naitalang 1,112 na kaso ng pertussis.

Sa nasabing bilang, 54 ang patay, kung saan ang karaniwang biktima ay mga bata na wala pang limang taong gulang.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble