Cash grants mula kay PRRD, tiniyak na matatanggap ng Pinoy Olympians

Cash grants mula kay PRRD, tiniyak na matatanggap ng Pinoy Olympians

TINIYAK ni Senator Bong Go na matatanggap ng lahat ng Pinoy Olympians ang ipinangakong cash grants ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang courtesy call, sinabi ni Pangulong Duterte na ang lahat ng atletang Pinoy na lumahok sa 2020 Tokyo Olympics ay makatatanggap ng insentibo mula sa pamahalaan.

Ibig sabihin maging ang mga hindi nakasungkit ng medalya ay mabibigyan ng reward kung saan mahigit 200,000 ang matatanggap ng mga ito.

Si Hidilyn Diaz na nakasungkit ng unang ginto para sa bansa ay makakakuha ng additional P3-M at house and lot mula kay Pang. Duterte, maliban pa sa P10-M na ipagkakaloob ng pamahalaan sa ilalim ng Republic Act 10699, o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.

Sa ilalim ng batas ang mga Pinoy Olympic gold medalists ay entitled na makatanggap ng P10 million habang ang mga silver medalist ay makakatanggap ng P5-M habang P2-M naman ang matatanggap ng mga bronze medalist.

Ang mga silver medalists na sina Carlo Paalam at Nesthy Petecio na taga Davao Del Sur at Cagayan De Oro ay makatatanggap ng additional na tig-P2-M mula sa Office of the President.

Habang ang bronze medalist na si Eumir Marcial na taga-Zamboanga ay makatatanggap ng additional na  P1 million incentive.

Maliban sa mga incentives ay gagawaran ng Lapu-Lapu Award ang mga medalists at citations sa lahat sumali sa naturang paligsahan.

Sinabi naman ni Senator Go sa isang pahayag na tutuparin ni Pangulong Duterte ang lahat ng rewards at incentives na ipinangako ng Pangulo sa mga Pinoy Olympian.

Ayon kay Go, na chairman ng Senate Committee on Sports, hindi mangyayari sa mga atleta ang sinapit ni former Olympian Mansueto “Onyok” Velasco sa ilalim ng Duterte Admin.

Ayon sa ulat, bigo si Onyok na matanggap ang lahat ng cash at iba pang incentive na ipinangako sa kaniya matapos itong magwagi ng silver medal noong 1996 Atlanta Olympics.

Sa isang interview nito ay ibinunyag ni Velasco na hindi pa nito natatanggap ang P2.5-M na pledge mula sa isang kongresista maging ang scholarship grants para sa mga anak nito na ipinangako naman ng iba pang pledger.

“Kapag may binitawang salita, dapat tuparin! Iyan po ang ugali namin ni Pangulong Duterte. Bagama’t nangyari naman ito more than twenty years ago at wala naman kaming kinalaman sa mga napangako sa kanya noon, nais ko lang hanapan ng paraan na maresolba ito sa panahon ni Pangulong Duterte,” ayon kay Senator Go.

Sinabi naman ni Go na sa kabila ng nangyari kay Velasco ay makatatanggap rin ito ng P500,000 financial assistance na sa ngayon ay prinoseso na ng pamahalaan.

SMNI NEWS