Sen. Imee at Sen. Jinggoy, kinundena ang ‘signature buying’ para sa pagsusulong ng Cha-Cha

Sen. Imee at Sen. Jinggoy, kinundena ang ‘signature buying’ para sa pagsusulong ng Cha-Cha

KASUNOD ng pagsiwalat ni Albay Cong. Edcel Lagman sa umanoy ‘nationwide signature buying’ ng super majority ng Kamara para isulong ang Charter-Change (Cha-Cha) ay umani ito ng pagkondena mula sa mga senador.

“Kinukundena namin ang mga taong umano’y nagbibigay ng suhol sa mga distrito, LGUs, at potensyal na mga lagdaan na hayag at walang kahihiyang pumayag sa isang inisyatiba ng mamamayan,” ayon kay Sen. Imee Marcos.

Sa isang pahayag, konundena ni Sen. Imee Marcos ang mga taong umano’y nanunuhol sa mga distrito, local government units (LGUs), at potensiyal na mga lagdaan na hayag at walang kahihiyang pumayag sa isang inisyatiba ng mamamayan.

Sa inilahad ni Lagman, ang pipirmang re­sidente sa pinalalagdaang form para sa Cha-Cha ay bibigyan ng P100, at 50-porsiyento ng pondo ay ibinigay na sa mga alkalde at mga coordinator.

Dahil dito, sinabi ng nakatatandang kapatid ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na ang pagbabago sa Konstitusyon sa pamamagitan ng mga nabiling pirma na pinagmumukhang ‘People’s Initiative’ ay hindi tama sapagkat ang pagbabago sa ating Konstitusyon ay hindi dapat ibinebenta.

Ang pahayag ng senadora ay sinegundahan naman ni Sen. Jinggoy Estrada.

Sinabi ni Jinggoy na dapat imbestigahan ang sinumang nasa likod ng nasabing nationwide campaign.

Giit niya, ilegal ang pag-solicit ng pirma kapalit ng P1,00 para isulong ang Charter change.

Malinaw na paglabag aniya ito sa Saligang Batas at pagsasantabi sa democratic process.

“It is unethical and illegal to solicit signatures of constituents to petition for Charter change moves in exchange for P100, in the guise of supposed people’s initiative. This practice clearly violates our laws and undermines the democratic process,” ayon kay Sen. Jinggoy Estrada.

Kaugnay rito ay mayroon nang inilabas na disisyon ang Supreme Court kaugnay sa pagsusulong ng People’s Initiative.

Ayon sa korte, bagama’t ang pagbabago ng Konstitusyon ay pinapayagan sa pamamagitan ng people’s initiative ay wala namang compliant implementing law o enabling law para dito.

Matatandaan na una na ring ipinag-utos ni House Speaker Martin Romualdez noong Disyembre 2023 na repasuhin ang Saligang Batas para malaman kung dapat ba itong baguhin upang maging mas kaakit-akit para sa mga foreign investor.

Pero sa panig naman ni Cong. Lagman ay wala naman itong partikular na binanggit sa kung sino ang nasa likod ng nasabing umano’y signature buying.

Follow SMNI NEWS on Twitter