KINAKALAMPAG ngayon ni Senator Imee Marcos ang mga opisyal ng militar, depensa, at foreign affairs ng Pilipinas.
Kaugnay sa paglapag ng ilan pang U.S Air Force aircraft sa Manila at Palawan.
Paalala ni Sen. Imee sa mga opisyal, dapat nilang balansehin ang pangyayari.
Dapat aniyang tukuyin kung pinalalala lang ng mga sikretong paglipad sa bansa ng mga U.S. military plane ang tensiyonadong sitwasyon sa South China Sea at Taiwan Strait at timbangin ang panganib na maaring idulot nito sa publiko.
Kinuwestyon ni Sen. Imee ang panibagong presensiya ng ilan pang C-17 Globemaster ng U.S. Air Force sa Maynila at Palawan.
Una rito ay may kaparehong military plane na lumapag sa Maynila noong nagdaang linggo pero hindi nai-coordinate ng mga flight planner ng U.S. sa mga ground handler sa paliparan ng Maynila.
Batay sa global flight tracker ng AirNav Systems na bandang 6:03 ng umaga noong Biyernes, isang U.S. Air Force C-17 na may Flight Code MC244 / RCH244 ang lumapag sa Maynila na nagmula sa Andersen Air Force Base sa Guam, umalis pa-Palawan bago mag ala-una ng hapon, at saka dumiretso sa Yokota Air Base sa lungsod ng Fussa, Japan bandang hapon.
Bukod rito ay napansin din ng mga pasahero ng mga commercial flight na paalis at papunta ng Ninoy Aquino International Airport ang dalawang U.S. military plane malapit sa runway na kanilang ibinahagi sa opisina ni Marcos.
Isang C-17 na may Flight Code RCH323 na umalis ng Tokyo noong Biyernes ng gabi ang naispatan sa hilaga ng Busuanga kinabukasan, araw ng Sabado, lampas alas-10 na ng umaga.
Pero hindi ito nasubaybayan hanggang kinahapunan at nakita na lang ito na patungo na sa Polillo Island bago makalabas ng teritoryo ng Pilipinas lampas alas-sais ng gabi.
“Konti lamang ang nakakaalam sa isinasagawang U.S. military activity sa ating teritoryo habang patuloy naman nating pinupuna ang presensya ng mga barko ng China sa South China Sea,” pahayag ni Sen. Imee Marcos.
“Alam kong may foreign military exercises ngayong buwan. Pero dapat maging patas ang pagsubaybay sa ating maritime territory at EEZ (economic exclusive zone) gayundin ang Philippine air traffic rules at joint military agreement natin sa U.S.,” saad ni Sen. Imee Marcos.
Ngayong buwan ng Hulyo ay may foreign milltary exercises sa bansa, pero ipinunto ng senador na dapat pataasin ang pagsubaybay sa ating maritime territory at EEZ (economic exclusive zone) gayundin ang Philippine air traffic rules at joint military agreement natin sa U.S.
Kaugnay nito ay una nang nagsumite ng resolusyon sa Senado si Sen. Imee para imbestigahan ang aniya’y misteryosong paglapag ng US aircraft sa Manila International Airport.