KUWESTIYUNABLE para kay Sen. Imee Marcos ang P14.2-B na budget ng Commission on Elections (COMELEC) para sa pagsasagawa ng mga plebisito sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA).
Orihinal na P2.2-B lang ang inilaan para sa pagsasagawa ng plebisito ayon kay Sen. Imee subalit nang isalang na ito sa bicam at nagkaroon na ng final version ay dito na naging P14.2-B.
Maaaring ang pondo ay gagamitin sa pamumulitika aniya.
Halimbawa na rito ang lumalaganap na balitang pinapapirma ang mga botanteng Pilipino sa isang kampanya tungo sa pagkakaroon ng Charter change na kilala bilang people’s initiative kapalit ang P100.
Kasama na ang pagbibigay ng P20-M mula sa government programs sa mga distritong nakamit ang kinakailangang bilang ng mga pumirma bilang pagsuporta sa inaasam na pagbabago sa 1987 Constitution.
Ayon sa senadora, maaari pa sanang magamit ang P14-B na itinaas sa pondo para sa rice at gas subsidies o kaya’y para tugunan ang mga problema sa sektor ng kalusugan.
Samantala, ang people’s initiative ay isa sa mga paraan para mabago ang Konstitusyon.
Dito, kinakailangan na nasa 3% ng mga botante bawat distrito at 12% ng mga botante sa buong bansa ang lumagda para maitaguyod ang Charter change.