Sen. Imee Marcos, may babala kaugnay sa Cha-Cha ng Senado

Sen. Imee Marcos, may babala kaugnay sa Cha-Cha ng Senado

BAGAMAT maituturing na dead on arrival na ang umano’y corrupt na People’s Initiative ay may babala naman ngayon si Sen. Imee Marcos kaugnay sa nabuong kompromiso ng Senado at Kamara na isulong pa rin ang Charter Change.

Sa Resolution of Both Houses o RBH No. 6 ng parehong Senado at Kamara ay tanging ang economic provisions lamang sa education, advertising, at public utilities ang aamyendahan.

Sinabi ni Sen. Imee, dapat pa ring mag-ingat sa kompromisong resolusyon dahil isinusulong pa rin nito ang Charter Change (Cha-Cha) sa pamamagitan ng Constitutional Assembly.

Ipinunto ng senadora na hindi napapanahon ang Cha-Cha lalo’t papalapit na ang 2025 Midterm Elections. Wala naman aniya kasing garantiya na ang economic provisions lang talaga ang gagalawin sa sinasabing pag-amyenda.

“Sa palagay ko it’s no guarantee because you can’t stop any legislator from bringing forth another issue, another consti prov. They can’t be prohibited from that kahit na ang kasunduan ay ‘yung 3 lamang. At maski ‘yung 3 ang duda ko mahihirapan tayo kasi papasok na tayo sa next election cycle by Oct. kandidato na naman kaming lahat parang maguguluhan tayo sabi ng iba eh di wala nang 2025 elections,” pahayag ni Sen. Imee Marcos, Chairman, Electoral Reforms and People’s Participation.

Sa halip aniya na pagtuunan ng pansin ang Cha-Cha ay marami pa namang mas importanteng isyu ang dapat na pag-usapan na siguradong makatutulong sa pagbangon ng bansa mula sa pandemya.

Ipinaalala niya na bagamat ang Senado na ang mangunguna sa Charter Change ay nakaka-kaba pa rin ang eksena matapos na masingitan ng kuwestiyunableng P12-B ang 2024 budget ng Commission on Elections (COMELEC) nang hindi nalalaman ng mga senador, isama pa ang isyu ng peoples’ initiative.

Kinuwestiyon din ni Sen. Imee kung bakit kailangang amyendahan ang ilang economic provisions gayong wala naman aniya siyang naririnig na reklamo mula sa mga investor patungkol dito.

“Katagal-tagal kong chairman ng economic affairs. Araw-araw ko kausap foreign investors wala naman sila dinaing tungkol sa consti, di raw sila makapag invest dahil bulok infra, labis labis ang red tape at magulo, all of those things, pero ni minsan di nabanggit na ang consti nyo walang kwenta,” ani Sen. Imee.

Signature buying sa Peoples’ Initiative, nagpapatuloy pa rin

Nagbabala rin ang senadora sa aniya’y nagpapatuloy pa ring People’s Initiative matapos na makarating sa kaniya na hindi pa rin itinitigil ang suhulan kapalit ng pirma ng mga botante.

“Ang info sa contractor, sa Region 1 narinig ko sa ilang probinsya, narinig ko rin sa Region 4A so nagugulat nga kami kaya lang sabi ng iba pareho lang yan, kasi marami raw contractor na pulitiko,” ayon pa sa senadora.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble