Sen. Imee Marcos, may payo sa mga nagsusulong ng umano’y “Project People’s Initiative”

Sen. Imee Marcos, may payo sa mga nagsusulong ng umano’y “Project People’s Initiative”

MAY payo si Sen. Imee Marcos sa mga nagsusulong ng umano’y “Project People’s Initiative”.

Mainam na ilatag para mapag-usapan kung saang bahagi ng 1987 Constitution ang ninanais na baguhin.

Ito ang payo ni Sen. Imee Marcos kaugnay sa kontrobersiyal na isyu tungkol sa pagsusulong ng Charter Change sa pamamagitan ng People’s Initiative.

Aniya, nagawa na ng Kongreso noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na palitan ang isang bahagi ng Konstitusyon alinsunod sa batas kung kaya’t sakaling may nais ulit na baguhin, idaan sa tamang proseso.

Hirit pa ng senadora, maaari aniyang isabatas ang mga pagbabago na ninanais na hindi rin magkakahalaga ng P14-B.

Nauna nang kinuwestiyon ng senadora ang P14.2-B na budget ng Commission on Elections (COMELEC) para sa pagsasagawa ng mga plebisito sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA).

Orihinal na P2.2 billion-B lang ang inilaan para sa pagsasagawa ng plebisito ayon kay Sen. Imee subalit nang isalang na ito sa bicam at nagkaroon na ng final version ay dito na naging P14.2-B.

Maaaring ang pondo ay gagamitin sa pamumulitika aniya.

Halimbawa na rito ang lumalaganap nga na balitang pinapapirma ang mga botanteng Pilipino kapalit ang P100.

Samantala, hindi ikinagulat ni Sen. Imee ang pagkakadawit ni House Speaker Martin Romualdez sa kontrobersiyal na signature campaign para sa pagbabago ng Saligang Batas o Charter change.

Ayon sa senadora, hindi niya masisisi kung ang speaker ang tinutukoy sa isyu dahil aniya lahat ng pangalan na nagte-text sa mga tao at ang mga numero ay mga staff ng speaker.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble