NAG-ALAY ng dalangin si Sen. Imee Marcos para kay Pangulong Bongbong Marcos Jr., mga namumuno, at sa bayan.
Panginoong Diyos, inaalay namin sa iyo sa araw na ito, ang lahat ng aming iisipin, gagawin, at sasabihin.
Punuuin mo ang aming mga puso ng biyaya, upang ang lahat ng aming gagawin o hindi magagawa ay naaayon sa banal mong kalooban.
Tulungan mong mahalin ka namin ng buong isip, ng buong puso, ng buong lakas.
Nawa’y maging inspirasyon ka namin sa aming mga gawain para sa ikagiginhawa ng aming kapwa, ng aming pamayanan, ng buong bansa.
Inilalapit ko sa iyo ang bayang ito, kami po ay iyong iadya sa makasariling ambisyon, kawalan ng malasakit at pagkabulag sa kapirasong kapangyarihan.
Palakasin nyo po ang kalooban at kalusugan ng mga pinuno ng bayan, upang makapaglingkod nang may katapatan, simpatya at pananagutan.
Basbasan nyo po ng katapangan ang mga kapwa ko senador upang manindigan para sa aming institusyon, konstitusyon. at mandato ng taumbayan.
Ipaalala sa Kongreso na sagrado ang tiwala ng bawat Pilipino, na ang botong ipinagkakaloob sa bawat halal na pinuno ay bunga ng kalayaan at demokrasya.
Protektahan nawa ninyo ang bise-presidente, ang kagandahang taglay ng kanyang puso, pagiging matiisin, mapagpatawad at mapagkalinga.
Haplusin nawa ninyo ang puso ng aking kapatid, ang Pangulo ng Pilipinas;
Buksan nyo ang kanyang mga mata at bigyan nyo sya ng kaliwanagan ng pag-iisip—gisingin nyo po siya at ilayo sa mga demonyong nakapaligid.
Ipaalala nyo sa kanya ang pangarap ng aming ama para sa bayan,
Maging gabay nya sana ang kasaysayang humubog sa aming pamilya, pakinggan nya ang sumamo ng nakararami, wag biguin ang mga nagtiwala, wag sayangin ang pagkakataon, huwag ipaubaya ang bayan sa mga sakim at uhaw sa atensyon
At sa bawat araw ng panunungkulan ay laging ihuli ang anumang pansarili.
Bigyan nyo po ng lakas ng loob ang bawat Pilipinong hinahamon ng kasalukuyan; manindigan para sa tama at labanan ang pwersa ng mga mapanlinlang—na umaabuso sa kawalang-malay ng mga pamayanan dahil sa katakawan sa kapangyarihan.
Kami po ay lumililong, itinataas ang aming mga dalangin, para sa mas makatotohanang pagbangon at pagkakaisa.
Huwag nyo pong pabayaan ang pinakamahalaga kong kapatid—ang taumbayan bilang kami pong lahat ay mga anak ng bayan at anak ng Diyos—tahanan ang bansang Pilipinas, kaisa ng buong mundo sa pangarap ng kaunlaran at biyaya ng kapayapaan.