Sen. Imee Marcos, tiwalang lalabas ang totoong kuwento ng Martial Law

Sen. Imee Marcos, tiwalang lalabas ang totoong kuwento ng Martial Law

SA kabila ng samu’t saring negatibong kuwento kaugnay sa kontrobersiyal na Martial Law ay tiwala si Sen. Imee Marcos na walang makapipigil sa paglabas ng katotohanan sa kasaysayan.

Ito ang pahayag ng senadora sa isang interview kasabay sa pagdiriwang ng ika-51 anibersaryo ng Martial law.

Sept. 21, 1972 ay idineklara ni dating President Ferdinand Marcos, Sr. ang Martial Law.

Sa loob ng limang dekada ay paulit-ulit na lumulutang at laging naririnig na ang Martial Law, ayon sa iilang grupo, ay idineklara upang kitilin ang karapatang pantao.

‘‘Aaminin ko, pagkukulang din sa pangkat namin dahil takot na takot kami sa media, ayaw magsalita. Mamaya batohin siyempre ngayon lang nauso ulit ang Marcos kaya’t parang ayaw makinig sa kuwento namin. Talagang lahat na lang revisionism, rewriting … marinig ‘yung nangyari sa aming pangkat,’’ ayon pa kay Sen. Imee Marcos.

Araw ng Huwebes ay isang talakayan ang ginanap sa lumang bahay ng mga Marcos sa San Juan City bilang paggunita sa anibersaryo ng Martial Law.

Dito inilahad ng mga Heneral ng dating Pangulo ang mga dahilan kung bakit idineklara noon ang Martial Law.

‘‘So ang nakikita lang talaga dito ay ang mga komunista. Pero ang mas malaki ay ‘yung secessionist. ‘Yan ang Presidente natin’’ saad pa ni Ret. Gen. Jaime delos Santos.

‘‘Lumaki pa yan… ano ang gagawin mo?’’ ayon naman kay Ret. Gen. Hermogenes Esperon, Jr.

Maging si Sen. Imee Marcos ay ibinahagi rin kung papaano silang magkapatid na kinausap ng kanilang ama patungkol sa pagdedeklara ng Martial Law.

‘‘Sabi nya… Walang kwenta,’’ saad pa ni Sen. Imee Marcos.

Sa kabila ng ginawang talakayan kaugnay sa Martial Law kasama ang mga Heneral ng dating Pangulong Marcos Sr. ay naniniwala si Sen. Imee na hindi ito sapat para sa pagtama ng kuwento ng kasaysayan.

Sa katunayan ay nananawagan ang nakatatandang kapatid ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mga nagtrabaho sa tabi ng kanilang ama na ikuwento ang kanilang mga nalalaman.

‘‘Maraming kwento, haka-haka, tsismis… buhay na testigo,’’ ayon pa sa senadora.

Kaugnay nito, nanawagan din ang senadora sa mga kabataan na alamin nang buong-buo ang kuwento ng Martial Law, kabilang na ang mga mabuti, hindi maganda, ‘yung matagumpay, at maging ang palpak upang mapulot ang tamang aral at maiwasan na maulit muli ang mga pagkakamali na parehong nakabaon sa mayaman at makulay na kasaysayan ng Pilipinas.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter