Sen. Imee, naniniwala na hindi aaprubahan ni PBBM ang panukalang babaan ang taripa ng inaangkat na bigas

Sen. Imee, naniniwala na hindi aaprubahan ni PBBM ang panukalang babaan ang taripa ng inaangkat na bigas

UMANI ng batikos mula sa iba’t ibang grupo ng mga magsasaka ang isinusulong ng Department of Finance (DOF) at National Economic and Development Authority (NEDA) na magkaroon ng ‘zero’ o pagbabawas ng taripa sa mga imported na bigas.

Ang hakbang na ito nina DOF Secretary Benjamin Diokno at NEDA Sec. Arsenio Balisacan ay para maibaba ang presyo ng bigas sa mga merkado.

Ngunit, ang layunin na ito ng mga economic manager ay bagay na tinutulan ng Presidential sister na si Senator Imee Marcos.

Sa katunayan, sumama sa isang protesta ang senadora sa harap ng tanggapan ng DOF, umaga ng Martes para kontrahin ang bawas-taripa.

Nanindigan si Sen. Imee na hindi aaprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang panukalang babaan ang taripa ng inaangkat na bigas.

“Hindi papayag si Bongbong dito, sigurado ako diyan dahil lagot tayo sa tatay ko. Talaga naman, sigurado ako diyan para sa aking ama, ang bigas ay talagang ay hindi lamang pagkain, para sa kanya ay pagkatao.”

“Kaya sa aking ama, halos sinasabi niya na huwag na raw makinig sa mga mambu jambo ng mga ekonomista pagkat ang totoo iba ang bigas may kapangyarihang wagas,” saad ni Sen. Imee Marcos, Republic of the Philippines.

Kasama ng senadora sa protesta ang iba’t ibang grupo mula sa sektor ng Agrikultura tulad ng SINAG, AGAP Party-list, UBRA, FFF, at marami pang iba.

DA, hindi pabor sa zero tariff na isinusulong ng DOF at NEDA

Samantala, naglabas naman ng pananaw ang Department of Agriculture (DA) sa nasabing panukala.

Punto ni DA Senior Undersecretary Domingo Panganiban, kakawawain lang nito ang mga magsasaka.

“I will not agree to that but the President has to speak for it. Ano ‘yan eh, kanyang term yan.”

“Edi hayahay ang mga trader, kawawa ang mga farmer,” ani Domingo Panganiban, Senior Undersecretary, DA.

Gayunpaman, iniulat naman ni Panganiban na gumaganda ang ani ng palay ng mga magsasaka.

“Medyo maganda na konti, gumanda na siguro ng 3 to 4 percent,” ani Panganiban.

Follow SMNI NEWS on Twitter