SA harap ng pinal na deliberasyon ng badyet na sisimulan sa Nobyembre, hinimok ni Senador Imee Marcos ang mga kapwa mambabatas na suportahan ang panukalang mga pagbabago para sa mga nurse o sa nursing profession.
Sa gitna ito ng hindi mapaghihiwalay na hamon sa kalusugan at sa ekonomiya ng ating bansa sa mga susunod na buwan.
Ang kakapusan ng mga nurse sa buong mundo na naitala ng International Council of Nurses na nasa 17%, ay lumikha ng mas malaking oportunidad para kumita ang mga Pinoy nurses sa abroad pero ang pag-alis naman nila ang nagpapahina sa kapabilidad ng bansa na tugunan ang mga public health emergencies sa panahon ng pandemya at mga kalamidad, ani Sen. Marcos.
Mismong ang Pilipinas ay kulang ng nasa 106,000 na mga nurse ayon na rin sa datos ng Department of Health noong September 30, habang sa report naman ng Hamburg-based survey and statistics firm na Statista, mayroon lang 8.03 nurses ang bansa sa bawat 10,000 libong Pilipino-tanging 29% lang ng kinakailangang nurse-to-patient ratio ng 27.5: 10,000 alinsunod sa isinasaad ng Sustainabe Development Goal ng United Nation.
“Ang sarili nating kakulangan sa mga nurse at mga pangamba sa mga hindi inaasahang pandemya o malawakang kalamidad na gaya ng lindol ay isang panawagan na dapat muna silang manatili sa ating bansa. Gayunman sila ang mga breadwinner na tumutulong sa kanilang mga pamilya para makaagapay sa tumataas na gastusin sa araw-araw,” paliwanag ni Sen. Marcos.
Sa gitna ng inaasahang patuloy pang paghina ng piso kontra sa dolyar sa mga susunod na buwan, inamin ni Marcos na malaki ang maitutulong ng mga padalang pera o remittance sa kanilang mga pamilya para sumipa ang mga reserbang foreign currency ng ating bansa.
Isinasapinal pa ng gobyerno ang mga patakaran nito sa pagpapadala ng mga nurse sa abroad, sa harap na rin ng magkakaibang mga rekomendasyon mula sa Health at Labor Department hinggil sa taunang limitadong deployment cap na nasa 7,000.
Sinabi naman ng Philippine Overseas Employment Administration sa tanggapan ni Sen. Marcos na nitong ikalawang linggo ng Oktubre, ang average na 500 bilang ng mga nurse na ipinadadala sa abroad kada buwan ay nag-iwan pa ng nasa dalawang libong mga slot para sa nalalabing buwan ng taon.
Bukod sa ‘stopgap measure’ na muling pagtatakda ng limitasyon sa pagpapadala ng mga nurse sa abroad, inirekomenda ni Sen. Marcos na isama na sa mga scholarship program ang kasunduang obligado munang magsilbi sa bayan ang mga nurse bago sila makapangibang-bayan na inaayunan naman ng Philippine Nurses Association.
“Ang pangmatagalang solusyong ito ang magbibigay sa mga nursing student ng seguridad para sa kanilang edukasyon habang makakaasa naman ang ating bansa ng matatag na workforce kada taon. Hanggang hindi naisasabatas ang mga insentibong ito, hindi mapipigilan ng gobyerno ang mga nurse na mag-abroad,” paliwanag ni Sen. Marcos.
Isa pang legislative measure na sinasabi ni Sen. Marcos na makakakumbinse sa mga Pinoy nurse na manatili sa bansa ay ‘yung pagtatakda ng Kongreso na maitaas sa Salary Grade 15 ang sahod ng mga nurse na nasa pribadong ospital-na may minimum na Php35,097 ngayong 2022-na hanggang ngayo’y sa mga nurse lang na nasa government healthcare institution ipinatutupad.
Nanawagan din si Sen. Marcos sa Department of Budget and Management na pag-isipang muli ang patakaran nitong nag-eechapwera sa mga contractual nurse sa mga salary upgrade, habang dapat din silang iprayoridad ng DOH na maging regular.
“Maging ang mga contractual nurse ay nasubukan na sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Buwis-buhay din sila gaya ng mga regular,” diin pa ni Sen. Marcos.