BINIGYAN-diin ngayon ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada ang kahalagahan ng pagpasa ng panukalang Magna Carta of Filipino Seafarers at sinabing napapanahon ang pagsasabatas nito matapos magbanta ang European Union na ipagbabawal nila ang pagkuha ng mga marinong Pilipino hangga’t hindi sumusunod ang Pilipinas sa kanilang pamantayan.
Ang panukalang batas, ayon kay Estrada, ang magbibigay proteksiyon at magtataguyod sa mga karapatan ng mga Pilipinong seafarers.
“Sa pamamagitan ng panukalang batas na ito, inaasahan nating maiiwasan ang ganitong mga problema, at sa halip ay lalo pang mai-angat ang kalidad ng serbisyo ng ating mga marino na siyang batayan ng respeto, paghanga at pati na rin ng mataas na demand para sa kanila sa international maritime industry,” sabi ni Estrada, principal author at co-sponsor ng Senate Bill No. 2221.
Ang mga pahayag ng batikang mambabatas ay patungkol sa napabalitang banta ng EU na ipagbawal ang pagsampa ng mga Pilipinong seafarer kabilang na ang mga nasa 50,000 na marinong Pilipino na kasalukuyang naka-deploy sa rehiyon dahil bigo umano ang bansa mula pa noong 2006 na makapasa sa pagsusuri ng European Maritime Safety Agency (EMSA).
Nagbigay ng babala ang EU sa Pilipinas noong nakaraang taon dahil sa kahinaan sa pagsasanay at edukasyon ng mga Pilipinong marino.
Hinimok nito ang gobyerno na tumalima sa Standards of Training, Certification, and Watchkeeping for Seafarers Convention (STCW) at nagbanta na hindi kikilalanin ang sertipikasyon ng kwalipikasyon na ibinibigay sa mga seafarers kung hindi aaksiyunan ang nasabing usapin.
Unang isinulong ni Estrada ang pagpasa ng panukalang batas noong 16th Congress at siya rin ang unang naghain nito noong 2013.
Sa unang bahagi ng taong kasalukuyan, inanunsyo ng EU Commission ang desisyon nila na patuloy nilang kikilalanin ang mga safety certifications ng Maritime Industry Authority (MARINA) matapos na isaalang-alang ang pagsisikap ng Pilipinas na makatupad sa requirements nila.
Nabanggit din nila na kinikilala ang Pilipinas na isa sa pinakamalaki ang ambag sa maritime labor supply sa buong mundo.
“Ang malaking bilang ng mga Pilipinong marino ay patunay na kailangan talaga nating isabatas ang Magna Carta of Filipino Seafarers sa lalong madaling panahon upang siguruhin ang proteksiyon ng kanilang karapatan at kapakanan,” sabi ni Estrada sa kaniyang co-sponsorship speech.
Isa sa salient features ng panukalang batas ay ang pagtatag ng One-Stop-Shop Centers for Seafarers (OSSCS) sa mga pangunahing pantalan para mapabilis at mapagaan ang pagproseso ng mga documentary requirements ng seafarers.
“Makakapaglaan na sila ng mas maraming oras kasama ang kanilang mga pamilya at kaibigan sa tuwing sila ay nakabakasyon sa trabaho at makapagpahinga bago bumalik sa trabaho. Matitiyak din ng panukalang ito na mas maayos na maisasakatuparan ng mga ahensya ng gobyerno ang kanilang mga tungkulin. Mapapabuti rin ang mga serbisyo ng gobyerno sa ating mga seafarers at mapapadali ang papatupad ng batas na ito,” paliwanag ng chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resource Development.
“Ang pagpasa ng Magna Carta for Filipino Seafarers ay dapat naisakatuparan noon pa. Kapag ganap na itong batas, maituturing itong landmark legislation na pakikinabangan ng ating mga kababayan – mga seafarers at kanilang pamilya – maging ng ekonomiya ng bansa,” sabi ni Estrada.