MARIING kinondena ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang pananambang sa isang doktor ng gobyerno.
Ipinanawagan din niya ang agarang aksiyon upang mapanagot ang mga salarin at masiguro ang kaligtasan ng mga propesyonal sa medisina.
Ito ay matapos na seryosong nasugatan sa isang pananambang sa isang liblib na lugar sa Maguindanao del Sur si Dr. Charmaine Ceballos Barroquillo, isang doktor sa Sultan Kudarat Provincial Hospital.
Binanggit ng senador mula sa Mindanao na ang insidente ay nagpapakita ng panganib na kinakaharap ng mga manggagamot sa ilang bahagi ng Pilipinas kung saan patuloy ang mga banta sa seguridad at armadong tunggalian.
Ikinababahala rin ni Pimentel na ang hindi mabilisang pagresolba sa insidente ay maaaring magdulot ng chilling effect sa mga doktor, lalo na sa mga naglilingkod sa liblib at lugar na apektado ng giyera.