Sen. Lacson, umaming nainsulto sa Unification Talks ni VP Robredo

INAMIN ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na nainsulto ito sa Unification Talks ni Vice President Leni Robredo dahil ipinapabawi ang kanyang pagtakbo bilang pagkapangulo sa susunod na halalan.

Ayon kay Lacson dalawang beses siyang nakipagpulong kay Robredo para sa unification talks.

Aniya, sa pangalawang meeting sa bise presidente ay kasama niya si Senate President Tito Sotto III at kasama naman ni Robredo si Senate Minority Leader Franklin Drilon.

Sa pangalawang meeting umamin si Lacson na nainsulto ito.

Ito raw ay dahil nakumpirma niya na hindi naman unification ang gusto ni Robredo kundi ang paatrasin siya sa pagtakbo bilang pangulo.

“Then in the second meeting, doon ko talaga na-confirm na yung unification effort is only to unify under them. Nothing more,” ani Lacson.

Ibinuyag din ni Lacson na sa meeting na iyon nagpahaging si Drilon sa pamamagitan ng hand motion sa posibilidad ng Robredo at Sotto Tandem para sa eleksyon.

“Tinuro niya si Vice President Leni saka si Senate President Tito Sotto na sila yung magka-tandem in my face. It’s good that I did not noticed it. I was only informed by the Senate President after our meeting,” aniya.

“Sabi niya, hindi mo ba napansin? Yung dalawang daliri ni Frank nakaturo sa aming dalawa? Parang effectively telling me in my face to withdraw and mag-create ng bagong tandem between the Vice President and the Senate President,” dagdag ni Lacson.

Saad ng senador na kung diretsahang sinabi ni Robredo at Drilon na iyon ang balak nila sa ilalim ng sinasabi unity talks ay baka raw nakapag-walk out siya noon.

Napag-alaman naman na bago pa ang pangalawang meeting nila ay may reserbasyon na siya para sa unity talks ni Robredo.

“It’s too insulting na in your face sabihin sa iyo na mag-withdraw. Ako lang pwedeng mag-decide kung magwi-withdraw ako. No other person because ito na ang desisyon ko,” giit ni Lacson.

Matatandaan naman na pagkatapos ng ginawang unity talks ni Robredo hindi lamang kay Lacson kundi pati rin sa iba pang personalidad ay nakapag-decide itong tumakbo sa pagkapangulo kasama si Sen. Kiko Pangilinan bilang ang kaniyang running mate.

SMNI NEWS