BILANG paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao (Disyembre 10), nanawagan si Senator Lito Lapid sa agarang pagpasa ng kaniyang panukalang batas na nagpapalakas sa Commission on Human Rights (CHR) sa pamamagitan ng pagpapalawak ng kasarinlan nito bilang isang institusyon sa ating bansa.
Ginagarantiyahan ng Senate Bill No. (SBN) 2487 ang full fiscal autonomy ng CHR “upang matiyak ang agaran at walang limitasyong pagtupad sa mga tungkulin nito.”
Ang mga pondo para sa Komisyon ay hindi dapat bawasan at dapat ay awtomatiko at regular na ilalabas.
“(Ang panukalang batas) ay tumutukoy sa mga pangkalahatang kapangyarihan at tungkulin ng Komisyon, na may ganap na awtoridad na kumilos sa isang reklamo o sa ganang kaniyang sarili, sa lahat ng kaso ng mga paglabag sa karapatang pantao.
Bilang karagdagan, binibigyan nito ang CHR ng kapangyarihang maglabas ng mga injunctive relief at legal measures,” paliwanag ni Lapid.
Ang CHR ay isang independent body na nilikha sa ilalim ng 1987 Constitution.
Ito ay binuo noong Mayo 5, 1987 sa pamamagitan ng Executive Order No. 163, s. 1987, para sa proteksiyon at pagtataguyod ng karapatang pantao ng lahat ng tao sa loob ng Pilipinas, gayundin ng mga Pilipinong naninirahan sa ibang bansa.
Ito ay itinuturing na National Human Rights Institution (NHRI) ng bansa.
”Gayunpaman, sa 36 na taon ng pag-iral nito, ang CHR ay limitado mula sa paggamit ng buong potensiyal nito ayon sa Paris Principles o ang “Principles Relating to the Status of National Human Rights Institutions,” ang sabi ni Sen. Lapid.
“Kailangan ng bansa ang isang CHR na tunay na independyente at may ganap na awtonomiya. Ngayon, higit kailanman, kailangan natin ng isang mas aktibong CHR, na hindi humahangga lamang sa imbestigasyon o na hindi kumikilala ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao maliban sa mga kinasasangkutan ng mga karapatang sibil at pulitikal. Kailangan natin ng CHR na magtatanggol at magtataguyod ng karapatang pantao ng lahat, lalo na ng mga mahihina, mahihirap, at mga marginalized na sektor ng lipunan,” giit ni Lapid.
Sa ilalim ng panukalang batas, isa sa mga tungkulin ng CHR ay magbigay ng proteksiyon sa mga saksi at tagapagtanggol ng karapatang pantao laban sa pagbabanta.
Bubuo at magpapatupad ang CHR ng public information program hinggil sa karapatang pantao, at magtatag ng Human Rights Institute (HRI) para sa pagtataguyod at edukasyon ng mga karapatang pantao at mga kaugnay na larangan at magsisilbing isang institusyon ng pagsasanay para sa mga imbestigador, tagausig, mga mahistrado, mga hukom, abogado, at iba pang manggagawa sa karapatang pantao.
Inaatasan ang CHR na magbigay ng tulong legal para sa mga kapus-palad na biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao.
Sa ilalim ng panukala, maaaring magbigay ang komisyon ng immunity mula sa pag-uusig sa sinumang tao na ang testimonya o pagmamay-ari ng mga dokumento o iba pang ebidensiya ay kinakailangan upang matukoy ang katotohanan sa anumang pagsisiyasat na isinagawa rito o sa ilalim ng awtoridad nito.
Sa ilalim ng tungkulin nito sa pagsisiyasat, maaaring pilitin ng CHR ang pagdalo ng mga saksi at pagsumite ng mga ebidensiya, upang ilagay ang saksi sa ilalim ng panunumpa, mag-isyu ng mga subpoena, at kumuha ng testimonya sa anumang imbestigasyon na isinagawa ng Komisyon o alinman sa mga tanggapan nito.
Maaari din nitong sitahin for contempt sa sinumang tao na susuway sa makatuwirang utos at gabay nito.
“Ang iminumungkahing charter para sa CHR ay isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapalakas ng proteksyon sa mga karapatang pantao, na naaayon sa pandaigdigang commitment sa pagpapaunlad ng isang mundo kung saan ang dignidad at karapatan ng bawat indibidwal ay itinataguyod,” sabi ni Lapid.