Sen. Lapid, nanawagan na mag-ingat sa sunog!

Sen. Lapid, nanawagan na mag-ingat sa sunog!

NANAWAGAN na mag-ingat sa sunog si Senator Lito Lapid.

Bilang pagpapaalala sa Fire Prevention Month, dinaluhan ni Supremo Sen. Lito Lapid ang Urban Fire Olympics sa Calamba City, Laguna nitong Martes ng umaga.

Inimbitahan si Lapid nina Laguna Cong. Cha Hernandez at Calamba City Mayor Ross Rizal sa nasabing event na nilahukan ng mga bombero mula sa 39 barangay at industrial establishments sa lungsod.

Sinabi ni Lapid na mahalaga ang kahandaan at pagsasanay ng mga bombero sa paglaban sa sunog, na itinuturing din nating mga bayani.

“Kung may mga bayaning sundalo, Army, Air Force at mga pulis, meron din mga bayaning bombero. Alam nyo po, hindi makatulog ang ating mga kababayan kapag may sunog kayo po ang tutulong sa kanila, huwag nyo silang pababayaan,” saad ng Supremo sa kaniyang mensahe.

Ayon kay Lapid, dapat maging handa ang bawat isa para maiwasan ang sunog na pumipinsala sa mga ari-arian at kabuhayan ng mga mamamayan.

“Mag ingat po tayo mga kababayan sa sunog, lalo ngayong El Niño dahil tiyak na ubos ang iyong mga ipinundar sa mahabang panahon. Ingatan po natin ang ating pamilya na mabiktima ng sunog. Maging alerto at sumunod po tayo sa mga paalala ng Bureau of Fire Protection (BFP) para sa kaligtasan ng lahat,” ayon kay Lapid.

Kasunod nito, pinangunahan naman ni Sen. Lapid ang pamamahagi ng tig-2,000 pisong ayuda mula sa DSWD-AICS program para sa may 500 mahihirap na residente ng Calamba.

Ayon kay Sen Lapid, kahit papaano ay  makatutulong ang ayuda sa panggastos ng mga benepisyaryo.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble