KASABAY ng pagkondena, nais imbestigahan ni Senator Mark Villar ang nangyaring cyberattack sa sistema ng PhilHealth.
Sa Senate Resolution 811, hinimok ni Villar ang Senado na imbestigahan ang nangyari sa website ng PhilHealth at ng iba pang ahensiya ng gobyerno.
Ipinunto ng senador sa kaniyang resolusyon na ang mga hacking incident sa mga website ng gobyerno ay makaaapekto sa tiwala at kumpiyansa ng publiko.
Kaya kailangan aniya na imbestigahan ng Senado ito bilang isang economic at national security concern.
Matatandaan na noong Setyembre 22 ay nakompromiso ang data ng PhilHealth matapos na pasukin ito ng Medusa Ransomware.
Kabilang sa mga nakuha ng mga hacker ang confidential information ng mga Pilipino tulad ng pangalan, address, medical records, at iba pang contact information.