PINASALAMATAN ni Senator Mark Villar ang Senado dahil sa pagpasa nito sa panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) sa ikatlo at pinal na pagbasa.
Ayon kay Villar na siya ring author ng panukala, pinasasalamatan niya ang kaniyang mga kapwa senador sa parehong majority at minority para sa mga amyendang prenisenta ng mga ito at sama-sama nilang mabubuo ang batas na mapakikinabangan ng bawat Filipino.
Ani pa ni Villar, isinusulong niya ang panukalang ito hindi lamang para sa ekonomiya kundi pati maresolba ang lumalalang problema ng kahirapan at kawalan ng trabaho sa bansa.
Dagdag pa ng senador, base sa prediksiyon ng mga economic managers, makagagawa ang MIF ng 350,000 na trabaho sa bansa.
Bukod sa trabaho, binanggit din ni Villar ang iba pang pakinabang na magagawa ng MIF kung maisasabatas ito gaya ng mas maraming infrastructure projects, mas maayos na transportasyon, komunikasyon at iba pang sistema.