GANAP nang batas ang panukala na naglalayong palitan ang pangalan ng Agham Road at ang BIR Road bilang Senator Miriam P. Defensor-Santiago Avenue.
Nag-‘lapse into law’ nitong October 12, 2023 ang Republic Act (RA) No. 11963, na pinamagatang, an “Act Renaming the Agham Road and the BIR Road, Stretching from North Avenue, Traversing Through Quezon Avenue, Up to East Avenue, All Located in Quezon City, As Senator Miriam P. Defensor-Santiago Avenue.”
Naging batas ito nang walang pirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., 30 araw matapos ipadala ng Kongreso sa Malacañang, alinsunod sa Article VI, Section 27 ng Konstitusyon.
Nakasaad sa naturang batas na maglalabas ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga kinakailangang tuntunin, kautusan at mga sirkular upang ipatupad ang mga probisyon ng batas na ito sa loob ng 60 araw mula sa bisa nito.
Matatandaang naipasa ang R.A. 11963 sa Kamara noong Marso 21, 2023, at sa Senado noong Agosto 14, 2023.
Ang bagong batas ay magkakabisa 15 araw pagkatapos itong mailathala sa official gazette o sa isang pahayagan na may pangkalahatang sirkulasyon.