HINDI babawiin ni Senador Manny Pacquiao ang ipinangako nitong pabuya sa makapagbibigay ng impormasyon kaugnay sa kaso ni Christine Dacera.
Ito ay sa kabila ng apela ng kampo ng apat na respondent sa kaso na bawiin ang rewards dahil nakaaapekto ito sa kalagayan at kaligtasan ng kanilang buhay.
Ayon kay Pacquiao, mananatili ang kanyang pabuya na kalahating milyong piso upang matunton ang iba pang mga sangkot sa kaso ni Dacera.
Nilinaw din ng senador na binigay lamang ang pabuya upang matiyak na lalantad ang lahat ng indibidwal na naroon noong gabi bago natagpuang patay si Dacera at magbigay-linaw sa insidente.
Dagdag pa ng senador, iko-convert bilang financial aid sa pamilya ni Christine ang pabuya sakaling boluntaryong sumuko at hindi inaresto ang lahat ng person of interest.
Una nang sinabi ni ACT-CIS Party-List Rep. Eric Yap na maikokonsidera na ngayong “moot” at “off the table” ang kanyang alok na P100,000 na pabuya dahil boluntaryo nang iprinesenta ng mga itinuturong suspek ang kanilang mga sarili at nakikipag-ugnayan na sa imbestigasyon.