“GOOD Luck!”
Ito ang muling sinabi ni dating Senate President Juan Ponce Enrile kaugnay sa mga ginagawang hakbang ni Senator Manny Pacquiao sa usapin ng isiniwalat nitong korupsiyon sa gobyerno at sa gusot ngayon sa partidong PDP-Laban na posibleng ikasisira sa political career nito.
Muling iginiit ni Enrile na ang pagsisiwalat ni Pacquiao sa mga sinasabi nitong katiwalian sa gobyerno ay maituturing na daldal lamang kung hindi pa rin ito magpapakita ng pruweba ng korupsiyon.
Dagdag pa ni Enrile, kwestiyunable na rin ngayon ang magiging partido ni Pacquiao matapos itong maalis sa posisyon bilang Presidente ng PDP-Laban.
Giit ng dating Senador na tiyak na mahihirapan si Pacquiao na maipanalo ang Presidential bid nito kahit pa magtatayo ito ng bagong partido.
Binigyang-diin ni Enrile na mahalaga lamang ang isang organisasyon sa isang kandidato kung makakakuha ito ng suporta sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Matatandaan na noong Sabado, Hulyo 18, sa isinagawang assembly ng PDP-Laban na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay inalis na bilang party president si Pacquiao.