PARA magkaroon ng pangmatagalan na tugon ang Pilipinas laban sa banta ng iba’t ibang virus tulad ng coronavirus at ang mga variant nito, naghain si Senador Robinhood “Robin” C. Padilla ng panukalang batas na magtatatag ng Philippine Institute of Virology (PIV).
Sa Senate Bill 1363 ni Padilla, layunin ng virology institute na manaliksik at bumuo ng lunas sa mga sakit dulot ng mga virus na nakakaapekto sa mga tao, hayop at halaman.
“The establishment of a research and development institute under the Department of Science and Technology is a priority agenda to undertake diagnostics, therapeutics and vaccines, among others. It shall engage the services of Balik Scientists and foreign experts who shall work together with our local scientists and pundits,” aniya.
Dagdag niya, isusulong ng virology institute ang pakikipag ugnayan sa mga ahensya ng pamahalaan at sa academe para tugunan ang banta ng mga virus.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang Philippine Institute of Virology ang mamumuno sa pagbuo ng National Virology Research Agenda na bahagi ng National Unified Research Agenda, para sa pananaliksik ng virus sa tao, halaman, at hayop.
Isusulong nito ang virology research ethics, biosafety at biosecurity; at palalakasin ang scientific at technological capabilities sa virology at relevant disciplines.
Makikipag ugnayan din ang PIV sa mga dalubhasa sa iba’t ibang panig ng mundo.
Samantala, bubuuin ang Virology Research Fund na exempt sa donor’s tax.
Mungkahi ng panukalang batas na ang PIV ay itatayo sa New Clark Economic Zone sa Tarlac.
“Through this Institute, we will ensure that the government and society at large are in concert against threats and impacts of health crises,” ayon kay Padilla.