UMAASA si Senator Robin Padilla na magkakangipin na ang Commission on Human Rights (CHR) para gawin ang trabaho nito.
Ito ay sa pamamagitan ng Senate Bill 2440 na inihain ni Padilla sa Senado ay layon nitong bigyan ng mas epektibong sistema ang CHR— kasama ang fiscal autonomy, para hindi na ito maituring na “toothless tiger.”
Ayon kay Padilla, hirap ang CHR na gampanan ang mandato nito dahil sa kawalan ng ngipin.
“A just and democratic country cannot be attained without a truly independent national human rights institution. Today, more than ever, we need a more active CHR, one that is not strapped to the task of investigation or cannot recognize violations of human rights other than those involving civil and political rights. We need a CHR that can address the challenge of protecting and promoting the human rights of all, especially the vulnerable, the disadvantaged, and the marginalized sectors of society,” pahayag ni Sen. Robin Padilla, Principal Author, SB 2440.
Napapanahon na aniya na maging aktibo ang CHR sa pag protekta at pagsusulong ng human rights para sa lahat, partikular na ang mga mahihirap.
Sa ilalim ng panukalang batas, magkakaroon ng “full authority” ang CHR na tumugon ng motu proprio sa reklamo na may kinalaman sa human rights violations; kasama ang kapangyarihang mag-issue ng injunctive reliefs at legal measures.
Titiyaking paninindigan ang pagiging independent nito, at ang pondo para dito ay hindi babawasan.
Ang CHR ay ituturing na national human rights institution, alinsunod sa Principles Relating to the Status of National Institutions (Paris Principles) at ibang resolusyon ng UN.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Padilla, titiyakin ng CHR ang seguridad ng saksi at human rights defenders na may banta; at ipatupad ang witness protection service.
Bubuo rin ang CHR ng Human Rights Information Campaign Program at ng Human Rights Institute (HRI) para sa pagsulong ng karapatang pantao. Ang HRI ay magiging training institute para sa mga imbestigator, prosecutor, justice, huwes, abogado at ibang human rights workers.
Samantala, ang CHR ay bubuo rin ng legal assistance program para sa mga mahihirap na human rights violation victims; at gagawa ng taunang ulat sa mga monitoring activities nito.
Ang CHR ay gagawa rin ng hakbang para sa pagsulong ng karapatang pantao ng mga Pilipino na nasa ibayong dagat, sa pakikipagugnayan sa Department of Foreign Affairs, Department of Migrant Workers, at Philippine Embassy.