PERSONAL nang tumungo sa Korte Suprema si Senator Robin Padilla, ang chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Code para humingi ng “authoritative declaration’ para maresolba na ang isyu sa pagbabago ng Saligang Batas.
Sa petisyon, gustong malaman ng senador kung dapat magkasama o magkahiwalay na boboto ang mga miyembro ng Senado at Kamara.
Bahagi pa ng gustong maresolba ni Padilla ay ang mga sumusunod:
Kung ang Senado at Kamara ay dapat mag “jointly convene” bilang constituent assembly para sa pagtalakay ng pag-amyenda ng Saligang Batas.
Kung magkakaroon ng “voting jointly”, ang 3/4 sa ilalim ng Section 1 ng Saligang Batas ay 3/4 vote ng Senado at 3/4 vote ng Kamara o 3/4 vote ng 24 senador at lahat ng miyembro ng Kamara.
Kung ang Senado at Kamara ay dapat mag “jointly convene and assemble” kung mayroong Constitutional Convention.
Kung magkakaroon ng voting jointly, ang requirement na 2/3 vote sa ilalim ng Sec. 3, Art. XVII (17), ay 2/3 vote sa Senado plus 2/3 vote sa Kamara; o 2/3 vote ng 24 senador at miyembro ng Kamara.
Kung voting jointly, ang “majority vote” sa Sec. 3, Art. XVII (17) ba ay majority vote sa Senado plus majority vote sa Kamara; o majority vote ng 24 senador kasama ang miyembro ng Kamara.
Si Padilla, gusto na magkaroon ng magkahiwalay na botohan ang Senado at Kamara.
Pero ang Kamara ang gusto, magkasama na boboto ang dalawang kapulungan ng Kongreso.
Kung pagbabatayan umano ang sinabi ng mga sumulat ng 1987 Constitution ay dapat “voting separately” ang mangyayari sa pagbabago ng Saligang Batas.
Lumalabas na kapag nagkaroon ng voting jointly ang dehado ay ang Senado.
“Nag-file ang HOR ang gusto nila voting jointly. Hindi naman pupuwede ‘yan. Paano naman ang senador, parang SONA nakikita ninyo nandoon ang senador at congressman at congresswoman. Gusto nila boboto kami ng iisa? Paano naman ang 24 na senador sa 300 mahigit? Hindi po makatarungan. Dapat po sabihin po, i-order po, desisyunan po ng SC na voting separately,” pahayag ni Sen. Robin Padilla.
“Inaamin na po ng mga nagsagawa, sumulat ng 1987 Constitution, sinasabi nila talagang nagkulang sila sa usaping ‘yan na dapat ‘yan ay voting separately. Kaya sana sa wisdom na maliwanag na pag-iisip ng ating hukom, mabigyan nila… Hindi tayo humihingi ng advice. Humihingi tayo ng resolba,” aniya pa.
Inamin din Padilla, hindi na biro ang away ng dalawang kapulungan ng Kongreso para dito kaya kakailangan na aniya ang sasabihin dito ng Korte Suprema.
“Hindi na ito biro. Away na ito, away ito ng Mataas na Kapulungan at ng Malaking Kapulungan.”
“’Wag po kayo maniniwala ‘pag sinasabing walang away. Meron. Ako na nagsasabi sa inyo na meron. At ito lang ang Mataas na Hukuman ang makakaresolba.”
“Nagkasagutan na po ang ating namumuno, ang ating mahal na dating SP Migz Zubiri at ganoon din po ang ating Speaker Martin Romualdez.”
“Nagkaroon na ‘yan ng matinding salpukan. ‘Di lang silang 2 kundi nadamay na ang parehong kapulungan. At nagkaroon ng palitan ng salita patungkol kung paano natin aamyendahan o rerebisahin ang Constitution,” ayon kay Sen. Padilla.