PERSONAL nang umaapela si Senador Pia Cayetano kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na i-veto ang Vape Bill na aniya’y tiyak na makakasama sa kalusugan ng tao.
Sa isang liham na may petsang Hulyo 20 ay idinetalye ni Pia ang dahilan kung bakit kailangang i-veto ang Vape Bill na nakatakdang mag lapse into law sa Hulyo 24.
Nakatanggap naman ang media ng kopya ng sulat kahapon, Hulyo 21.
“I am submitting this letter ad cautelam (with caution for safety sake) to raise substantial and procedural issues arising from the enrolled bill of the “Vaporized Nicotine and Non-nicotine Products Regulation Act,” also referred to as the “Vape Bill,” pahayag ni Sen. Pia.
Sa sulat ni Pia ay kanyang ipinunto na maraming issue ang panukala kahit ang proseso sa pagsasabatas ay kwestyunable rin.
“We are placed in a legal quandary of having a bill passed by a Congress, composed of different members, that has been rendered functus officio (no further official authority) by its final adjournment, and submitted to a president whose term has ended, being signed into law by a new President,” ani Pia Cayetano.
Nagbabala si Pia na kwestyonable kung tuluyan itong maisasabatas sa ilalim ng isang Kongreso na naka recess o walang opisyal na otoridad.
Liban pa riyan, naniniwala rin si Cayetano na dapat ibasura ng Pangulo ang Vape Bill dahil sa masama ang epekto nito sa kalusugan ng tao.
Dahil dito ay kinakalampag din ni Senator Pia ang Food and Drugs Authority (FDA) na gawin din nila ang kanilang trabaho.
Kinuwestiyon din ni Pia ang hurisdiksyon sa regulation ng vapes at heated tobacco products na nakapaloob sa panukala dahil mula sa FDA ay pinalilipat ito sa Department of Trade and Industry (DTI).
Binababa rin ng panukala sa 18 years old ang maaring bumili ng vape mula sa 21 years old.